TOTOO talaga ang kasabihan na nasa huli ang pagsisi at ito ang naramdaman ngayon ng dating Hashtag member na si Jon Lucas na nasa GMA 7 na ngayon at kasama sa upcoming Pinoy version ng Koreanovelang Descendants of the Sun sa pangunguna ni Dingdong Dantes.

jon lucas

Sa nakaraang mediacon ng pelikulang Marineros ay inamin ng aktor, “Yung Hashtags po, pag naiisip ko po yun, lagi po akong nanghihinayang talaga. Kasi, sobrang laking tulong po sa amin ng It’s Showtime, e, sa grupo namin.

“Siguro, kung makikita niyo yung mga ka-grupo ko, pag nakita niyo po sila na may sasakyan, o kaya may bagong bahay, lahat po yun, dahil sa tulong po ng It’s Showtime, dahil po sa Hashtags ‘yun. Kaya malaking panghihinayang din po na mawalan ng trabaho, nu’ng nasa It’s Showtime pa po.”

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

Alam naman ng publiko kung bakit nawala sa grupo si Jon dahil nga nabuntis niya ng hindi pa sila kasal ng asawang si Shy Feras na isa sa dancer ng It’s Showtime.

Simula nang ma-suspinde si Jon ay hindi na siya nakabalik at humina na ang dating sa kanya ng projects bagay na ipinag-alala niya dahil may pamilya na siyang umaasa sa kanya.

Hanggang sa natapos ang kontrata ni Jon sa Star Magic ay saka siya nag-desisyong kumuha ng bagong manager para isalba ang career niya at si Ms Becky Aguila nga iyon.

Timing naman na nagpapa-audition noon para sa cast ang Descendants of the Sun at sinuwerteng nakapasa siya.

Aniya,“sobrang thankful ako sa GMA dahil ayun po, unang project ko pa lang, talagang huge project na po agad!”

Naikuwento rin sa amin ni tita Becky na mabait si Jon at sincere na tao kaya rin niya tinanggap nu’ng ialok sa kanya ng common friend nila na i-manage niya.

Samantala, gagampanan ni Jon ang karakter na Vale Medina na itinaguyod mag-aral ng magulang para kapag nakasampa na sa barko ay makakatulong sa pamilya, pero hindi nangyari dahil nabuntis niya kaagad ang kanyang girlfriend kaya naguguluhan siya dahil iniisip din niya ang pangako sa magulang at heto magkakaroon na rin ng sariling pamilya.

Ang ibang cast sa Marineros ay sina Michael de Mesa, Clair Ruiz, Paul Hernandez, Ahron Villena, Alvin Nakasi, Jef Gaitan, Jon Lucas at Valerie Concepcion.

Mapapanood na ang Marineros Men in the Middle of the Sea sa Setyembre 20, Biyernes mula sa direksyon ni Anthony Hernandez produced ng Golden Tiger Films at Premier-Dreams Productions.

Magkakaroon ng premiere night ang pelikula sa Setyembre 15.

-Reggee Bonoan