GALIT na galit si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa mga rapist-murderer at sa mga sangkot sa illegal drugs. Lagi niyang sinasabi na “I will kill you.” Sa pahayag ni Sen. ‘Christopher “Bong” Go, matapat na aide ni Mano Digong noon at hanggang ngayong senador na, handa umano ang Pangulo na sibakin si Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon Jr. kapag napatunayang nakagawa ng seryosong lapses sa utos na palayain ang rapist-killer na si ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez at iba pang high-profile prisoners, kabilang ang apat o limang Chinese drug lords/traffickers.
Habang sinusulat ko ito, nagdudumilat ang banner story ng isang English broadsheet: “Rody ready to fire Faeldon from BuCor.” Ayon kay Sen. Bong Go, nag-utos na si PDu30 ng imbestigasyon para alamin kung sino ang responsable sa muntik nang pagpapalaya kay Sanchez at pagpapakawala sa Chinese drug lords/traffickers sa bisa ng R.A. 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Badya ng matapat na aide ni Pres. Rody na kahit senador na ay para pa rin niyang spokesman (ang isa pa ay si Spox Panelo): “Ang gusto ng Pangulo ay papanagutin ang mga may sala. Mula sa itaas hanggang sa ibaba, sino man ang nagpahintulot na sila’y makalaya, dapat silang managot.”
Sinabi ni Go na si PRRD ay isang abugado kung kaya alam niya agad na si Sanchez at iba pang heinous criminals ay hindi dapat na kuwalipikado sa GCTA. Kung ganoon, eh bakit si DoJ Sec. Menardo Guevarra na isa ring abugado, ay nagsabi noong una na si Sanchez ay kuwalipikado sa GCTA?
Sa pagdinig sa Senado noong Lunes, kinumpirma ni Faeldon na ang tatlong convict sa rape-pagpatay sa magkapatid na Chiong noong 1997 sa Cebu, ay pinalaya na mula sa New Bilibid Prison (NBP) dahil daw sa good behavior. Ang tatlong rapist-killer ay sina Josman Aznar, Ariel Balansag at Alberto Cano.
Malimit magbanta ang ating Pangulo laban sa mga rapist-murderer at illegal drug pushers, dealers, users ng “Papatayin ko kayo.” Mr. President, papaano ngayon kung pinalaya nga ang mga rapist? Papatayin ba ninyo sila o papatayin ninyo ang mga opisyal o kawani ng NBP na nagpalaya sa kanila?
Hindi lang ang ina ng Chiong sisters ang labis ang pagtataka at pagdadalamhati kung bakit pinalaya ang mga bilanggo. Maging ang isang kolumnista na maka-Duterte ay sumulat na hindi lang ang ina at pamilya nina Jacquiline at Marijoy Chiong ang labis na nagdalamhati at nagtaka sa pagpapalaya sa convicted rapist-murderers kundi maging ang mga taga-Cebu.
May mga nagtatanong tuloy kung bakit sa kaso ni Sen. Leila de Lima na akusado sa umano’y illlegal drug trade sa NBP, pinaniwalaan ang mga convicted drug prisoners/felons kaya nakakulong ngayon ang senadora, na noong nililitis ay pinagpiyestahan ng mga kongresista sa pagdinig sa Kamara ang “halinghing at antas ng lindol” sa pakikipagtalik umano nito sa kanyang driver-lover.
Ngayon, lumalabas na may katarantaduhan at katiwalian na nagaganap sa NBP tungkol sa umano’y pagpapalaya sa high-profile prisoners na sangkot sa panggagahasa-pagpatay sa Chiong sisters, at sa mga Chinese drug lord-trafficker. Mananagot kaya ang nasa likod ng mga ito o hahayaan na lang sapagkat ang mga Pilipino naman ay may “short memory” lamang? Ituloy kaya niya ang pagsibak kay Faeldon?
-Bert de Guzman