MAG-ASAWANG OFW namuhunan sa isang kilalang (itago natin ang pangalan) “convenient store,” natalo! Perang pinaghirapang ipunin para sa kanilang pagreretiro, na akala nila’y lolobo rin sa pamumulaklak ng sikat na 24-oras na tindahan sa buong bansa.
Malaki-laki rin naman ang kailangang iluwal na puhunan. Kabuuang P4M milyong piso ang ibabayad upang makakuha ng “convenient store” na may madaling bigkasing pangalan at pansining kulay sa noo ng tindahan. Masarap isipin, na “partner” o magkasosyo sa korporasyong may negosyong patok. Sa simula, papartida ka nga naman ng ilang buwan, lalo’t kadalasang ang mga puwesto ng mga ganitong tindahan ay nakasalpak sa matataong lugar, halimbawa, sa tabi ng simbahan. Sa kalaunan, magtataka ka na lang, dahan-dahang humahalik sa sahig ang kinikita dahil sa mga ‘di nila maipaliwanag na “deductions”? Sa limang taong kontrata, hindi napapansin ng franchisee ang unang signos. Kung sosyo nga kayo, bakit ‘di ka inaalalayan man lang nila sa City Hall pagkuha ng ‘Business Permit’? Pati upa ng tindahan, bandang huli mo lang pagdududahan baka may komisyon ang mga empleyado ng korporasyon mula sa ibinabayad ng ‘franchisee’? Sila kasi ang direktang nakikipag-usap sa mismong may-ari ng puwesto o lupang kinakatayuan ng tindahan. Pati kuryente, inaawas sa kita ng ‘franchisee’ na kuno, kaparte sila nagbabayad. Kaya lang, ayaw magbigay ng accounting (magpakita ng billing) mula sa Meralco o kung ano pang kumpanya ng kuryente, kung magkano ang dapat buwanang bayaran ng magkasosyo?
Sa mga nabibighani, at nagbabalak mamumulot ng kaperahan sa ‘convenient store’ huwag na kayo magpa-daya! Dito sa Cebu, dumadami na ang mga franchisee na hindi na magre-renew ng 5-year contract. Ang iba, hindi pa nga tapos ang kontrata, endo na lang, para huwag lumaki pagkalugi at pagkakalbo sa pahirapang pakikipag-usap sa kanila. Bale ba, sila ang tunay na sagana at kumikita sa pawis at dugo ng franchisee. Nakakalungkot na dahil sa pagkalugi damay ang relasyon ng pamilya, mag-anak, retiradong guro, o mga OFWs.
-Erik Espina