TULUYAN ng nakopo ni 13-time Philippine Open champion Grandmaster (GM) Rogelio "Joey" Antonio Jr. ang pangkahalatang liderato matapos manaig kay Sherwin Tiu tangan ang puting piyesa sa Rossolimo variation ng Sicilian defense sa pagpapatuloy ng 2019 GM Rosendo Balinas Memorial Cup chess championship na ginaganap sa Activity Hall, Second Floor Alphaland Makati Place sa Malugay Street, Makati City.
Tangan ni Antonio ang walang dungis na 3.0 puntos matapos unang manaig kina Alfredo Rapanot sa Round 1 at National Master Julius "Ashitaba Boy" Sinangote sa Round 2.
"Mahirap mapahiya, puro magagaling ang kalaro natin dito kaya hindi puwede ang petik-petik lang,” sambit ni Antonio, kakatawanin ang bansa sa prestihiyosong FIDE World Seniors Chess Championships na gaganapin sa Bucharest, Romania sa Nobyembre 11-24.
Ang standard time control format, round-robin event ay suportado nina Engr.Antonio Balinas at US-based Joe Balinas kung saan punong abala ang Alphaland Corporation sa pakikipagtulungan nina Philippine Executive Chess Association (PECA) president Dr. Jenny Mayor at National Chess Federation of the Philippines (NCFP) director Atty. Cliburn Anthony Orbe at nasa pangangasiwa ng Chess Arbiter Union of the Philippines.
Nagparamdam naman ng lakas si International Master (IM) Daniel Quizon matapos talunin si Rolly Parondo Jr. tungo sa 2.5 puntos, parehas nina Grandmaster Darwin Laylo, International Master Paulo Bersamina, IM Angelo Young at IM Chris Ramayat.
Nagkasya sa tabla ang laro nina Laylo at Bersamina, nakipaghatian din ng puntos si Young kay Kevin Mirano at namayani si Ramayrat kay Sinangote.
Nakabalik naman sa kontensiyon si IM Ricardo De Guzman matapos padapain si National Master Carlo Magno Rosaupan para makapagkamada ng 2.0 points gaya nina GM John Paul Gomez at Michael Concio Jr. Diniskaril ni Gomez si Rapanot habang nakaungos si Concio kay National Master (NM) Nick Nisperos.