PARA sa Malacañang, tagumpay at produktibo ang limang araw na pagbisita ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa China kahit hindi nagtagumpay ang pag-iinvoke ng Pangulo sa arbitral ruling na pabor sa Pilipinas kay Pres. Xi Jinping. Tinanggihan ito ng kinakaibigan niyang Pangulo na may 1.3 bilyong Tsino.
Tinupad ni PRRD ang pangako niya sa mga Pilipino na bago matapos ang kanyang termino, na sasabihin niya kay Pres. Xi ang desisyon ng international court sa The Hague, na nagbabalewala sa malawak na pag-angkin ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS). Sa wakas, hindi ito isang joke.
Sa kabila ng magandang relasyon ng PH at China ngayon, hindi natinag si Xi sa pag-invoke ng ating Pangulo sa desisyon ng arbitral court na walang basehan at bisa ang tinatawag na nine-dash claim ng China sa buong South China Sea (SCS), kabilang na ang West Philippine Sea, na nasa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Habang sinusulat ko ito, may pagdinig ang Senate Blue Ribbon (SBR) committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon. Dumalo si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon para sagutin ang mga tanong tungkol sa maagang paglaya ng mga kriminal na convicted sa heinous crimes. Noong una, nagpasabi raw si Faeldon na hindi siya makadadalo, pero nag-isyu si Gordon ng subpoena para pilitin itong dumalo. Pinirmahan ang subpoena ni Senate Pres. Tito Sotto. Nagbanta si Gordon na kapag sumuway si Faeldon, ipabibilanggo nila ito hindi sa Senado kundi sa ordinaryong jail sa Pasay City.
May mga nagtatanong din (as of presstime) kung si Faeldon ay pananatilihin pa ni Mano Digong sa BuCor kasunod ng mga ulat na maraming preso na convicted sa kasuklam-suklam na krimen ang pinalaya sa bisa ng tinatawag na Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa paghirang ni PDu30 kay retired army Lt. general Milfredo Melegrito bilang BuCor deputy director, marami ang nagsasapantaha na “good as tanggal na” si Faeldon. Tandaan na siya ay dating hepe ng Bureau of Customs na naging kontrobersiyal sa smuggling ng P6.4 bilyong shabu na natagpuan sa Valenzuela City. Inilipat lang siya ni PRRD sa OCD sa Camp Aguinaldo, at pagkatapos ay sa Bucor.
Kung hindi sa maagap na pagbabalita ng media, muntik nang makalaya si convicted rapist-murderer ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez. Siya ang humalay at pumatay kay Eileen Sarmento at pumatay rin sa kaibigan niyang si Allan Gomez, mga estudyante sa UP Los Baños noong 1993.
Nabunyag din na lima o apat pang Chinese convicted drug lords ang pinalaya na rin ng BuCor. Kung totoo ito, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, na “nagkakabayaran” para palayain ang convicted drug lords at ang mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen. Samakatwid, dagdag ni Sen. Ping, ang “tara” noon sa Customs ay parang sa BuCor nalipat.
Ibinunyag ni PNP Chief General Oscar Albayalde na isang Heneral ng PNP ang iniimbestigahan tungkol sa pagpo-promote sa small town lottery (STL) operations sa mga lugar na saklaw niya. “Not actually involved pero promoting and probably kasama siya doon sa corporation.” Ayaw tukuyin ni Albayalde kung sino ang Heneral habang naka-pending pa ang imbestigasyon ng PNP Directorate for Intelligence.
Ginunita ng Bulacan ang ika-169 kaarawan ni Gat Marcelo del Pilar kilala sa pen name na Plaridel, ang pinakamagaling na propagandista ng Pilipinas laban sa Espanya. Ang selebrasyon ay ginawa sa kanyang dambana sa Sitio Cupang, San Nicolas, Bulakan, Bulacan. Ang pagdiriwang ay may temang “Gat Marcelo H. del Pilar: Inspirasyon sa Sama-Samang Pag-unlad ng Bawat Bulakenyo.”
-Bert de Guzman