SA murang edad, hindi pipitsugin ang istilo at talento ng 12-anyos na si Antonella Berthe Racasa.

RACASA: Best Pinoy athlete ng TOPS.

RACASA: Best Pinoy athlete ng TOPS.

Sa ginanap na World Cadet Chess Championship kamakailan sa Shandong, China, pinatunayan ni Racasa ang kakayahan na makasabay sa pinakamatitikas na player sa mundo.

Ilan sa mga nagapi niya ang mga seeded players, sapat para makuha ang ika-14 na puwesto sa prestihiyosong torneo para sa mga batang rated player ng International Chess Federation.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Iwinagayway ni Racasa ang bandila ng bansa para sa isa pang pagpapatunay na tunay na world-class ang atletang Pinoy.

Dahil sa tagumpay, nagkakaisa ang mga opisyal at miyembro ng Tabloids Organization in Philippines Sports (TOPS) na ipagkaloob sa kanya ang parangal na ‘Athlete of the Month’ para sa buwan ng Agosto.

Ang pambato ng Cavite ang kauna-unahang chess player na nakatanggap ng parangal sa TOPS, ang organisasyon ng mga sports editors, columnist, reporters at photographers mula sa pangunahing tabloids newspaper sa bansa.

“Although she did not win any medal this time and finished only 14th place overall, Antonella will be remembered for her many outstanding victories over higher-rated opponents in the 12-under division,” pahayag ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.

“Racasa also finished with a high performance rating of 1652 compared to her FIDE rating of 1380 and gained a total of 134.4 rating points,” aniya.

Naungusan ni Racasa sa parangal ang matitikas ding sina Aldrene Igot , Jr. (archery), Mark “Magnifico” Magsayo (boxing), Lovely Mae Orbeta (darts) at Marc Bryan Dula (swimming).

Impresibo ang kampanya ni Igot sa katatapos na Batang Pinot National Finals sa nakamit na walong gintong medalya, habang nakopo ni Magsayo ang WBC Asia featherweight championship sa Bohol.

Naitala naman ng 14-anyos na si Orbeta ang ‘three-peat’ sa Southeast Asia Darts Tour sa Malaysia habang nasisid ni Dula ang limang gintong medalya sa swimming sa Batang Pinoy.

Ang iba pang napagkalooban ng mga nakaraang buwanang karangalan ng TOPS ay sina Manny Pacquiao (January), Jasmin Mikaela Mojdeh (February), Natalie Uy (March), Ernest John Obiena (April), June Mar Fajardo (May), Philippine Canoe Kayak and Dragon Boat Federation team(June) at Obiena (July)

Isinasagawa ng TOPS ang “Usapang Sports” tuwing Huwebes sa National Press Club sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink at napapanood ng live sa Facebook via Glitter Livestream.