HALOS madurog ang puso ko sa pakikinig kay Maria Clara Sarmenta, ang nanay ni Eileen, ang estudyanteng biktima ng kasakiman sa laman ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez at ng anim na alipores nito, habang inihahayag ng ina ang kanyang pagkadismaya sa pagiging “unfair ng justice system” sa bansa.
Kasama ng pamilya Sarmenta sa pagdadalamhati sa muling pagbabalik nang dinanas nilang masamang panaginip, ay ang parents ni Allan Gomez, ang kasintahan ni Eileen na kasama nito na dinukot at pinatay ng grupo ni Mayor Sanchez noong 1993.
Humarap ang dalawang pamilya – Sarmenta at Gomez – sa Senate inquiry na inumpisahan nitong Lunes, upang maliwanagan kung papaanong muntik-muntikanan nang makalaya ang grupo ni Sanchez gayong sentinsiyado ito ng heinous crime, at kung ilan
ang posibleng nakalaya na, lalo na ‘yung mga tinagurian na mga drug lord.
Nakulong matapos na masintensiyahan ng pitong counts ng “Reclusion Perpetua” noong 1995 sina Sanchez, ngunit dahil sa sinasabing “butas ng batas” na Republic Act 10592 o mas kilala sa tawag na “Good Conduct Time Allowance (GCTA)” muntik ng makalaya ang mga ito – kundi ito lumutang sa media at nag-viral naman sa social media, na nagpasilakbo sa damdamin ng mga kababayan natin na sumubaybay sa kasong ito halos 24 na taon na ang nakararaan.
Ganito kamahal ng taga-Bureau of Correction (BuCor) ang mayayaman na prisonero: Ang pamilya Sarmenta at Gomez, sa media at social media nalaman na makalalaya na pala ang naging salot sa buhay nila. Ang pamilya naman ni Mayor Sanchez, todo na ang paghahanda sa “homecoming” ng nakakulong nilang padre de pamilya, dahil pauna nang nasabihan ng mga taga-BuCor ng “magandang balita”. Hanep talaga naman!
Batay sa naglabasang impormasyon na halos kasabay naman ng pag-ambush at pagpatay sa documentation officer ng Bureau of Correction (BuCor), aabot sa 11,000 prisonero sa buong bansa ang nabiyayaan na makalaya – at kasama rito ang grupo ni Mayor “Ala akong alam di-yaan” Sanchez at iba pang biktima ng heinous crimes sa buong bansa at maging ang mga banyagang drug lord na sentinsiyado ng habambuhay na pagkabilanggo.
Ang himutok ng ina: “We are not against the GCTA Law. Okey naman ‘yung gusto ng batas na ma-commute ‘yung sentensiya ng mga preso. Pero, ‘di po dapat sa lahat. Dapat ‘yun e may distinction.”
‘Yan din ang paniwala ko. Hindi ako sang-ayon sa sinasabi ng iba nating kababayan na “unfair justice system” ang umiiral sa bansa. Mas naniniwala ako na ang mga nagpapatupad ng batas ang baliko ang isipan, at pilit na pinipilipit at hinahanapan ng butas ang mga batas, upang pagkakitaan ng limpak-limpak na salapi – gaya ng pagpapatupad sa GCTA Law.
Naniniwala ako na maraming opisyal ng pamahalaan – mula sa Palasyo ng Malacañang, Department of Justice (DoJ) hanggang sa BuCor – ang namantikaan ng milyones o pwedeng bilyones, sa pagpapatupad ng GCTA Law nang masilipan nila ito ng butas na p’wedeng pagkakitaan.
Hindi lang naman ‘yan ngayon lang nangyari – matagal na ‘yang nagaganap sa ating sistema – hindi dahil palpak ang batas, kundi ‘yung mga nagpapatupad ng batas ang hindi patas, lalo pa nga’t ang magkalaban dito ay isang mahirap at mayaman. Palagi na lamang ‘yung mga may pera at makapangyarihan ang estado sa buhay ang namamayagpag at kinakatigan ng mga nagpapatupad ng batas.
Para sa akin ay walang problema ang ating mga umiiral na batas sa ngayon. Malaki ang paniniwala ko na ang mga ito ay naisabatas ng wasto, dahil matagal itong pinagtalunan, pinag-usapan sa Kongreso at Senado – na bagaman sa ngayon ay puno ito na ng mga nahalal sa ‘di naman kuwalipikado sa posisyon – ng mga paham na mambabatas natin noon na mga senador, kongresista at mahistrado sa Korte Suprema.
Dapat lang na sagutin ng mga opisyal ng BuCor ang tanong ni Sen. Risa Hontiveros: “Bakit karamihan ng nabiyayaan ng GCTA Law – napaikli ang pagkakakulong at napalaya na – ang mga makuwartang nakakulong na Chinese drug lord, ngunit yung mga matagal ng nakakulong na mga mahihirap, ay patuloy na nabubulok sa bilangguan?”
Hindi kailan man nababahiran ng pag-aalinlangan ang paniniwala ko sa ating mga nakatadhanang batas – ang malaking pagdududa ko ay palaging nasa mga opisyal ng pamahalaan, na sa kanilang nagpapatupad sa mga batas, ay pilit humahanap ng kahit na napakaliit na butas, upang mabaluktot ito at pagkakitaan ng limpak na limpak na salapi.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.