NAKAPAGTALA ang Metro Manila Development Authority o MMDA ng nasa 405,882 sasakyang araw-araw dumadaan sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Ave. o EDSA nitong buwan ng Agosto ngayong taon. Higit na mas mataas ito kung ikukumpara sa naitalang 383,828 sasakyan noong nakaraang taon.
Tumaas ang bilang ng mga sasakyan sa 4,104—mula sa 251, 628 noong nakaraang taon hanggang sa 255,732 ngayong taon. Tumaas din ang bilang ng mga bus sa 226—mula 1,940 nitong nakaraang taon sa 2,166 ngayong taon. Maging ang bilang ng mga motorsiklo ay tumaas din ng 24,085—mula 86,082 ng nakaraang taon patungong 110,167 ngayong taon.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 22, sinabi ni Pangulong Duterte na nakikita niyang maisasaayos ang trapik sa EDSA pagpatak ng Disyembre, kung saan ang biyahe mula Ayala sa Makati patungong Cubao, Quezon City, ay aabutin na lamang ng limang minuto. Ayon sa isang opisyal ng MMDA, maaari itong makamit sa pamamagitan ng pinagsama-samang proyekto pampubliko ng pamahalaan at ang mga plano ng MMDA.
Kabilang sa mga proyektong ito ang maraming nakataas na kalsada na ngayo’y minamadali nang matapos. Ang pagbubukas ng maraming alternatibong ruta na maglalayo sa mga motorista sa EDSA. Kasama rin ang mga konkretong proyekto, ang mungkahi ng MMDA na ipagbawal na ang mga bus galing probinsiya.
Ngunit ang ulat ng MMDA nitong nakaraang linggo na libu-libong bagong sasakyan ang nadaragdag araw-araw na dumadaan sa EDSA, ay tila nagpapahiwatig na may labanang nagaganap—ang kilometrong bagong mga kalsada na itinatayo kontra sa bilang ng mga sasakyang nadaragdag sa trapik ng EDSA. Marahil marami ngang kilo-kilometrong kalsada ang itinatayo, ngunit higit namang marami ang libu-libong mga bagong sasakyan. Sa huli, tablado ang laban. Babalik tayo kung saan tayo nagsimula.
Napakaraming ideya o suhestiyon ang iminungkahi para sa dagdag na mga daan, sa mga nakataas na ‘greenways’ para sa publiko, ang paglipat ng mga opisina ng pamahalaan sa labas ng metro. Tatlong buwan na lamang, Disyembre na at sa bawat ulat—tulad ng pagtaas ng bilang ng mga sasakyan, bus at mga motorsiklo na gumagamit sa EDSA—ang nadaragdag sa pagdurusa ng mga komuters.
Ngunit tulad ng sabi nila, laging may pag-asa. Kailangan nating patuloy na umasa na makaiisip ang ating mga opisyal sa transportasyon at sa Metro Manila, ng agarang plano na magsasakatuparan, sa prediksyon ni Pangulong Duterte, na magiging limang minuto na lamang ang biyahe sa EDSA pagsapit ng Disyembre.