PALASAK na, alam ko. Ngunit ito ay katotohanan. Kapag pinag-uusapan ng mga tao ang katangian ng isang matagumpay na negosyante, binabanggit nila ang tungkol sa pagkakaroon ng magandang bisyon, pagbuo ng isang solidong plano, pagkuha sa tamang grupo, pagkatuto sa mga pagkakamali, pagkilala sa mga kostumer, at iba pa. Ilan lamang ang nagbibigay-halaga sa pangangailangan na mapanatili ang magandang kalusugan.
‘Fulfilling’ ang maging isang negosyante, ngunit nakakapagod—sa isip, pisikal, at siyempre, pinansiyal. Iniisip ng ilan na ang ideya ng pagiging negosyante ay simpleng pagpapakasarap lamang sa kanilang yaman habang nakasakay sa yate sa isang liblib na isla o pagsakay sa isang sports car, at nagsasaya sa buhay.
Una sa lahat, karamihan sa mga matagumpay na negosyanteng kilala ko ay hindi namumuhay ng marangya. Mayaman sila, alam nila kung paano magsasaya sa buhay, ngunit karamihan ay ayaw ng magarbong buhay. Ikalawa, ang pagtingin sa bunga ng tagumpay ng isang negosyante ay hindi nasisilayan ang kanyang mga paghihirap na kailangang malampasan upang makamit ang magandang buhay.
Ang pagod na hinaharap sa pagsabak niya sa mundo ng pagnenegosyo ay hindi maaaring maliitin. Pisikal, kailangan mong magtrabaho sa loob ng 24 oras, pitong araw. Ang isang matagumpay na negosyante ay hindi lamang nakaupo at naghihintay sa kanyang kitang lalasapin. Kailangan mong bahiran ng dumi ang iyong mga kamay. Natatandaan ko pa nang itayo ko ang aking unang negosyo bilang supplier ng seafood sa Maynila, kailangan kong magpabalik-balik mula sa isang kliyente papunta sa isa pa. Marumi ang aking mga kamay at mabaho!
Bukod sa pisikal na pagod, nararanasan din ng isang negosyante ang matinding emosyonal at sikolohikal na pagkabalisa. Ang kawalang-katiyakan kung magiging matagumpay ka ba o malulugi ay isang bagay na laging naglalaro sa iyong isipin. Dagdag pa sa problema ang paghahanap ng kapital kapag ikaw ay nagsisimula pa lamang o kung naubos na ang iyong pondo.
Kapag hindi nakababayad sa akin ang ilang kliyenteng restawran para sa kanilang mga order, nababahala ako sa kinabukasan ng aking negosyo. Ano nang mangyayari ngayon? Anong gagawin ko? Naiisip ko na lahat ng mga negosyante ay dumadaan sa katulad na pagsubok sa kanilang mga negosyo. Nakakatakot ito.
Dagdag pa, tuloy-tuloy ang pag-iisip ng mga negosyante ng paraan kung paano mapagaganda ang serbisyo sa mga kliyente. Paano ko sila mapasasaya? Kailangan din nilang isipin kung paano sasaya ang kanilang mga empleyado. Paano ko masisiguro na ang aking mabubuting mga empleyado ay kontento at mapapanatili ko sa aking panig. Sa gitna ng lahat ng ito kailangan mo ring silipin ang mga ulat-pinansiyal, kailangan mong pamahalaan ang pagbebenta at suriin ang kompetisyon.
Hindi ko nais takutin ang mga baguhan at batang negosyante. Binibigyang-diin ko lamag na kailangang mapanatili ang malusog na pamumuhay upang makayanan ang hirap sa pagpapatakbo ng sariling negosyo. Ito ang dahilan kung bakit, hangga’t kakayanin, sinusubukan kong malampasan ang pagod na dulot ng pagnenegosyo.
Lagi kong sinusubukang magkaroon ng maayos na tulog upang maaga akong magising. Nag-eehersisyo ako sa gym upang masimulan ko ng tama ang aking araw. Napagtanto ko na ang pag-eehersisyo sa umaga ay magpapalakas at maghahanda sa iyo para sa mahabang araw. Kapag hindi ako nakapag-eehersisyo, nakararamdam ako ng pagkabugnot at pagkaantok sa araw.
Sinusubukan ko ring kumain ng masustansiya. Hindi ito nangangahulugang gutumin mo ang iyong sarili. Kailangan mo ang lahat ng makapagpapalusog sa iyo upang makayanan mo ang abalang araw. Hindi rin naman ito nangangahulugan ng sobrang pagkain na nagdudulot naman ng stress. Minsan kung sunod-sunod ang iyong meeting sa mga restawran at cafes, mahirap pigilang kumain ng marami. Para sa akin, mahalaga ang protina at mga gulay bilang bahagi ng diet para sa isang abalang negosyante.
Mahalaga ring tandaan na kung hindi maganda ang iyong kalusugan, hindi mo kakayanin ang bigat ng pagpapatakbo ng isang negosyo. Malala pa rito, kahit pa nagtagumpay ka at kumita ng salapi, paano mo naman matatamasa ang bunga ng iyong mga paghihirap kung ikaw ay sakitin at gugugulin mo lamang ang iyong oras at pera sa ospital?
Mainam na maging malusog upang yumaman!
-Manny Villar