“KAHIT wala kayo, ang land reform ay mananatiling programa ng gobyerno rito sa Pilipinas. Iyan ang totoo. Kasi, kahit walang karahasan, darating ang oras na ipamamahagi rin ang lupa sa mamamayan,” wika ni Pangulong Duterte sa seremonyang ginanap sa Department of Agrarian Reform, Quezon City sa ika-31 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program nitong Martes. Sa okasyong ito, ipinamahagi niya ang 87,648 ektaryang lupa sa mga magsasaka buhat sa mga rehiyon ng Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa. Nasa isyu na ng pagrereporma sa lupa ang usaping pangkapayapaan sa pagitan nina Pangulong Duterte at National Democratic Front-Communist Party of the Philippines – New People’s Army (NDF-CPP-NPA). Dahil sa okasyon ding ito, inatasan niya ang Armed Forces of the Philippines na wakasan na ang maoist rebellion bago matapos ang kanyang termino, nasabi niya na kahit walang rebeldeng komunista, patuloy ang programang reporma sa lupa sa ating bansa.
Maaaring totoo ang sinabi ng Pangulo na mananatiling programa sa Pilipinas ang reporma sa lupa, pero hindi ako naniniwala na magwawakas ang rebelyon, ito man ay maoist o ISIS. Dahil hindi ang klase ng reporma sa lupa na patuloy na pinaiiral ng gobyerno ang lulutas sa problema ng kahirapan. Eh kahirapan ang ugat ng rebelyon. Sa tigang na lupa umuusbong ang kaguluhan. Kapag ginamitan mo pa ng bala para masawata ang kaguluhang ito parang binuhusan mo ng gasolina ang apoy sa pagnanais mong matapos ito. Lalo itong mag-aalab at maglalagablab.
Hindi ang klase ng reporma sa lupa na ipinatutupad sa bansa ang lulutas sa kahirapan para malunasan ang rebelyon. Peke ito. Maraming malawak na lupa na sadyang inilaan sa tao para pagkuhanan nila ng pagkain, subalit ang mga ito ay inalis sa sakop ng tunay na reporma sa lupa sa kapakinabangan at pagyaman ng iilan. Ginawang subdivision, golf course, palaisdaan at iba pa na nakapipinsala pa sa kapaligiran. Namamahagi ng lupa ang gobyerno, pero ang mga binigyang mga magsasaka ay pinababayaan at pinagkakaitan pa ng tulong upang lubos nilang malinang, mapayabong, at maganap ang kayang ibigay ng lupa. Ang salapi ng bayan para sa kanila para magamit nila sa pagsasaka ay dinarambong ng mga opisyal ng gobyerno. Sa ngalan ng farming modernization, mga polisiya ang nililikha laban at salungat sa interes ng mga magsasaka. Halimbawa, ang Rice Tarrification Law na ang tinutulungan ay ang mga magsasaka ng mga banyagang bansa na inaangkatan natin ng bigas. Bumagsak ang halaga ng palay na inaani ng ating mga magsasaka sa pagbaha ng mga banyagang bigas sa pamilihan. Ang problema, marami na ngang bigas na galing sa ibang bansa, mahal pa rin ang bigas na ibinebenta sa lokal na pamilihan. Dahil sa ganito tayo magpairal ng reporma sa lupa, mananatili itong programa, pero mananatili rin ang kahirapan. Hindi rin mawawala ang kaguluhan at mga rebelde at mawawakasan ang rebelyon.
-Ric Valmonte