DALAWANG panukalang batas ang inihain sa Senado at sa Kamara de Representantes na nagtatalaga ng hahalili sa pampanguluhang puwesto sakaling mamatay ang pangulo. Sa ngayon, itinatadhana ng batas na sa kaso ng pagkamatay, permanenteng disabilidad, o iba pang sitwasyon, papalitan ng bise presidente ang pangulo. Sa kaso ng higit pang biglaang sitwasyon, ang pangulo naman ng Senado o Senate president ang papalit sa bise president, at sa huli, kung kakailanganin ang House speaker.
Itinatakda sa kasalukuyan ng Konstitusyon ng Pilipinas ang tatlong sunod na pinakamataas na opisyal na papalit sa pangulo sa biglaang sitwasyon. Tumigil ito sa tatlo, dahil marahil naisip ng mga bumuo sa Konstitusyon na malabong mangyari na biglang mawawala ang apat na pinakamataas na opisyal ng Pilipinas.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, na naghain ng Senate bill 982, layon nitong magtalaga ng dagdag pang opisyal bilang kahalili—sakaling ang mga itinakda ng Konstitusyon na papalit ay mamatay, magkaroon ng permanenteng disabilidad, tinanggal sa puwesto, o nagbitiw. Sa panukala madaragdag sa listahan ng mga maaaring humalili ang: most senior senator, most senior representative, at isang miyembro ng gabinete na pipiliin ng pangulo. May katulad din na inihaing panukala si Rep. Precious Hipolito ng Quezon City.
Sa Konstitusyon ng United States, itinatadhana na sa kaso ng biglaang sitwasyon, papalit sa pangulo ang bise president na siya ring Senate president, susundan ng House speaker, Senate president protempore, kasunod ang mga karapat-dapat na pinuno ng mga ahensiya sa pangunguna ng secretary of state.
Ang ideya na maaring biglaang mawala ang lahat ng matataas na opisyal ng isang bansa sa isang iglap ay nagmula sa sikat na nobela mula Amerika noong 1994, ang “Debt of Honor” ni Tom Clancy, kung saan bida ang isang national security adviser na pinangalanang bise president matapos mapilitang magbitiw sa puwesto ang halal na bise president dahil sa sex scandal. Ang bagong bise presidente ay nasa isang underground tunnel patungo sa Kongreso, nang masawi ang lahat ng matataas na opisyal habang nasa isang pagpupulong sa Kongreso dahil suicide plane crash sa session hall. Ito ang naging daan upang maging pangulo ng US ang bida na si Jack Ryan.
Buhat nang maganap ang pag-atake noong Setyembre 11, 2001, kung saan dalawang gusali ng World Trade Center sa New York City ang pinabagsak gamit ang isang hinajack na eroplano, naging balisa na ang Amerika para sa mga kaso ng pag-atake ng mga terorista.
Gayunman, walang katulad na sitwasyon sa Pilipinas na maglalagay ng ating pangamba hinggil sa biglaang pagkawala ng mataas na opisyal ng pamahalaan. Mahabang panahon na tayong nabubuhay kasama ng ating Konstitusyon ng 1987 at ang probisyon nito para sa tatlong hahalili sa kaso ng biglaang pagkamatay ng pangulo o iba pang sitwasyon.
Ngunit ngayon nakita ng ating dalawang mambabatas ang pangangailangan para sa isang Senate bill 982 at House bill 4062. Pinagtitibay ang batas dahil kailangan ito. Pahahalagahan ito ng bansa, sa kaalaman na kailangan ang panukalang ito sa kasalukuyan, lalo na para sa mga kasalukuyang nakalinyang humalili na nais mangailangan ng pag-iingat.