KASABAY ng katakut-takot na pagtuligsa sa pagpapalaya sa mga nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo at iba pang preso, lalong tumibay ang aking paniniwala na dapat na ngang ibalik ang parusang kamatayan. Kabilang sa libu-libong bilanggo na pinalaya alinsunod sa good conduct time allowance (GCTA) law ang nakulong sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa karumal-dumal na krimen.
Totoo na ang naturang mga preso na nahatulan ng life sentence ay hindi na maaaring isalang sa lethal injection kung sakaling maisasabatas ang umuusad ngayong death penalty bill. Subalit, tulad ng lagi nating binibigyang-diin, ang naturang panukalang-batas ay makababawas kundi man ganap na makasusugpo sa tinatawag na heinous crimes – tulad ng pagpatay, panggagahasa, pagkidnap, pag-iingat at pagbebenta ng bultu-bultong illegal drugs, pagwawaldas ng salapi ng bayan at iba pang karumal-dumal na krimen.
Gusto kong maniwala na ang sinasabing mahiwagang pagpapatupad ng GCTA ay makagigising sa kamalayan ng ating mga mambabatas na panahon na nga upang madaliin ang pagpapatibay o pagbabalik ng parusang kamatayan. Sila man ay maaaring kinikilabutan din sa paglipana ng mga kampon ni satanas na wala nang inalagata kundi maghasik ng karahasan na malimit humantong sa kamatayan ng ating mga kababayan. Masyadong matindi na ang epekto ng kriminalidad sa kabila ng matindi ring pakikidigma ng Duterte administration sa mga salot ng lipunan; walang humpay ang paglipol sa mga users, pushers at druglords.
Hindi ko matiyak kung ang iba’t ibang religious groups, lalo na ang Simbahang Katoliko, ay sinagilahan din ng pangamba sa misteryosong implementasyon ng GCTA; na ang pinalayang mga preso ay muling maghasik ng panganib sa komunidad; na ang mga bilanggo na ang ilan ay maaaring nagpamalas lamang ng mabuting pag-uugali samantalang sila ay nakakulong, ay magbalik sa nakagawian nilang criminal activities. Manatili kaya ang kanilang paninindigan na tanging Diyos lamang ang makababawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha at hindi pagbitay o lethal injection na lagi nilang iminamatuwid na isang marahas na paglabag sa karapatang-pantao?
Samantala, marapat ngayon pag-ukulan ng ating mga mambabatas ang pagsusuri sa kontrobersiyal ngayong GCTA. Natitiyak ko na walang patumanggang mga pagdinig ngayon ang pauusarin ng Kongreso upang matiyak ang maayos at walang pag-aalinlangan ang implementasyon ng naturang batas na pinaniniwalaan kong isang pagsaklaw sa kapangyarihan ng Pangulo. Hindi ba saklaw ng presidential power ang pagkakaloob ng pardon at executive clemency at iba pang kaluwagan ng mga bilanggo?
-Celo Lagmay