CAPAS, Tarlac – Kapwa nagbigay ng 100 porsiyentong suporta ang Philippine Swimming Inc. (PSI) at Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) Inc. sa plano na manatili ang mga atletang Pinoy sa New Clark City.
Tamang-tama ang kondisyon ng kapaligiran at makabagong kagamitan para sa pagsasanay ng mga atleta sa paghahanda sa 30th Southeast Asian Games at iba pang international tournament.
Kapwa nagdaos ng kanilang programa ang dalawang sports association sa bagong tayong sports center.
“I’ve seen this in phases, from raw land to the time that this was being built,” pahayag ni PATAFA president Philip Ella Juico hingil sa Athletics Stadium kung saan isinagawa ang 2019 PATAFA Weekly Relay Series.
“I’ve visited other facilities in Kuala Lumpur, Singapore, and Indonesia and [the stadium] compares very favorably. It has all of the requirements of a modern facility that is approved by the highest track and field authorities in the world,” aniya.
Iginiit din ni Juico na masaya ang mga atleta sa kanilang bagong tahanan.
“All of them love it. They feel that this is the best for them. The track itself is not too hard, it’s not too demanding on their legs. So we expect good performances from them,” pahayag ni Juico.
Sinabi ni Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Deputy Director General Arrey Perez na ang naturang dalawang kompetisyon na itinuring niyang “sports rehearsals” ang magbibigay ng pagkakataon sa BCDA na matukoy ang katatagan ng mga pasilidad bago magbukas ang 2019 SEA Games.