KUNG hindi man nakalaya ang rapist-murderer na si ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez bunsod ng pambansang galit ng mga mamamayan sa ginawa niyang panggagahasa-pagpatay kay Eileen Sarmenta at kaibigang Allan Gomez noong 1993, nabulgar naman ang umano’y paglaya ng apat na Chinese drug lords/traffickers na convicted sa illegal drug offense mula sa New Bilibid Prison (NBP).
Si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang nagbunyag sa pagpapalaya sa 4 Chinese drug lords na kinilalang sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che, at Wu Hing Hum. Para kay Sen. Ping, mukhang may “tara” na rin sa Bureau of Corrections (BuCor), at nalipat na rin daw ang sistemang ito mula sa Bureau of Customs. Tanong ng kaibigang sarkastiko: “Magkano kaya ang tara na tinatanggap ng mga opisyal ng NBP at Bucor mula sa mga bilyonaryong Chinese drug lords/traffickers?”.
Ayon kay Lacson, nakalaya ang mga drug lord mula sa maximum security compound. Lahat sila ay convicted sa paglabag sa illegal drug laws. Sila ay ni-release sa custody ng BI para i-deport pero pinalaya noong Agosto 16 dahil umano sa GCTA. May mga nagtatanong “Magkano, magkano?”
Galit na galit si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa mga taong sangkot sa ilegal na droga. Minumura pa niya ang mga ito at hinihiya sa publiko. ‘Di ba ilang heneral ang pinangalanan niya sa publiko? ‘Di ba may drug matrix siya sa mga politiko, congressman, governor, mayor, vice mayor, barangay captain?
Libu-libo na ang napatay ng mga pulis at vigilantes na ordinaryong pushers, dealers at users sa ngalan ng giyera ng Pangulo sa illegal drugs. Meron ba namang drug lords/traffickers/smugglers? Nais malaman ng mga Pinoy kung ano ang magiging aksiyon ni PRRD sa report na apat na convicted Chinese drug lords/traffickers ang nakalaya umano sa NBP. Sibakin kaya niya ang mga opisyal ng BuCor at NBP?
Nilinaw ni DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. na ang apology ng may-ari ng Chinese fishing vessel na bumangga at nagpalubog sa bangka ng 22 mangingisdang Pinoy noong Hunyo 9, ay “merely noted” at hindi “accepted.”
Samakatwid, hindi pa tinatanggap ng Pilipinas ang apology ng Chinese fishing vessel owner. Sa tweet ng Ingliserong Teddy Boy Locsin noong Miyerkules, ganito ang nakasaad: “Hey morons! I merely noted the Chinese apology. I did not accept it. I am not a fisherman.”
Kung ganoon Mr. Locsin, bakit nalathala sa mga pahayagan na tinanggap ng PH ang apology ng may-ari ng barkong-Tsino, ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo?. Ito ba ay tinanggap ng Malacañang o si Spox Panelo lang ang tumanggap?
Mula sa Beijing, sinabi ni PH Ambassador Chito Sta. Romana na sa apology, hindi nangangahulugang ligtas na sa pananagutan ang Chinese boat owner at mga tauhan nito sa pag-abandona sa mga Pilipino na sisinghap-singhap sa gitna ng dagat.
Ayon kay Sta. Romana, pag-uusapan pa ang kompensasyon na dapat ibigay ng may-ari ng barko sa mga mangingisdang Pinoy at sa pinsalang likha sa kanilang bangka. Badya ni Sta. Romana: “It (apology) does not excuse them for their responsibility. Their responsibility includes that by the way, the fact they did not rescue our fisherman.” Bravo, bravo Chito Sta. Romana
-Bert de Guzman