NAIIBA ang career path ni Sylvia Sanchez kumpara sa maraming artista. Kung kailan isa-isa nang nagiging inactive o umiba ng linya ang mga nakasabayan niya, saka naman bumongga ang status niya sa industriya.
Sa nakaraang seasons, tuwing may gagawing family drama ang ABS-CBN, siya agad ang pambato. Given nang professional at reliable actress si Sylvia, hindi kailanman naging sakit ng ulo ng production, pero tiyak na kinokonsidera rin ang innate matriarchal instinct at pagiging unifying factor niya sa malakihang cast.
Malaking bagay kasi sa production kung kumikilos ang lahat tulad ng nagkakaisang pamilya. At pagdating sa maayos na samahan ng pamilya o extended families, walang pasubaling si Sylvia Sanchez ang expert.
Kaya pagkatapos ng dalawang big hit daytime series niyang The Greatest Love at Hanggang Saan, sa primetime na mapapanood (bago mag-TV Patrol) ang teleseryeng Pamilya Ko na pinangungunahan niya with Joey Marquez and at JM de Guzman. Premiere airing na sa September 9 sa direksiyon ni Raymund Ocampo under ABS-CBN Entertainment Production’s RSB Scripted Format division, gagampanan ni Sylvia si Luzviminda, asawa ni Fernan (Joey Marquez) at mga anak nila sina Chico (JM), Beri (Kiko Estrada), Apol (Kid Yambao), Persi (Jairus Aquino), Peachy (Maris Racal), Lemon (Kira Balinger), Cherry (Mutya Orquia), at Pongky (Raikko Mateo).
Hindi aksidente ang niche ni Sylvia sa showbiz, sadyang pamilya ang sentro ng buhay niya.
Sa intimate interview naming dalawa pagkatapos ng media launch ng Pamilya Ko sa Dolphy Theater last Friday, na-reveal agad sa kasagutan sa unang tanong na pamilya ang happiness niya.
Ano pa ang dreams o goal ni Sylvia pagkatapos tanggapin ang sunud-sunod na acting awards?
“Makita kong okey ang buhay ng pamilya ko, ‘yong makita kong maayos ang kalagayan nila. Siyempre okay kaming mag-anak, eh -- kami ng asawa ko at mga anak namin, pero gusto ko pang maging successful ang mga pamangkin ko. Sana makita kong naglalakad sila sa aisle sa graduation nila, lahat... mga kapatid ko. ‘Yon lang naman.”
Hinahangaan siya sa marespetong pag-uugali ng mga anak na sina Arjo Atayde at Ria Atayde na gumagawa na rin ng sariling pangalan sa showbiz...
“’Di naman kami perfect, pero ‘di kami nag-stop ng asawa ko na mapalaking maayos ang mga bata.”
Nakikita sa mga anak niya ang maayos ding pakikisama niya sa lahat, ang hindi niya pagiging mareklamo (gaya ng iba) kapag walang project.
“’Di ako mareklamo, eh,” napangiting sagot ni Ibyang. “Kasi pana-panahon, me project ngayon para sa ‘yo, bukas wala. Okey! Eh, ‘di kung wala akong project ibibigay ko ang panahon ko para sa mga bata, alis ako nang alis, layas ako nang layas.”
‘Yan daw ang isa sa signs na happy, successful person?
“Totoo ‘yon. Kasi ‘pag halimbawa bored na ‘ko, wala akong trabaho, eh, ‘di uwi akong Mindanao, mumuni-muni ako do’n. Gusto kong pumupunta sa dagat, eh, at tumingala. “Eversince, kahit andami kong kulang, hindi ako mapaghanap, eh. ‘Pag may dumating, maraming salamat!” Isinilang at lumaki sa Nasipit, Agusan del Norte si Sylvia. Doon niya itinayo ang una at pangalawang branch ng kanyang BeauteDerm Clinic, na ang pangatlo at pang-apat ay itatayo naman sa Quezon City at Dasmariñas, Cavite.
Hindi magkaibang bagay ang trabaho at personal na buhay niya.
“Kasi ang mga roles na ginagampanan ko, natutulungan din akong mag-grow, ako as tao, as ako mismo.
Hindi lang ‘yong mapagbuti ko ang role na ginagampanan ko, kundi para rin mas mapagbuti ko ang pagiging tao ko. Andami ko ring pagkakamali, meron din akong sungay.”
Pero mas nakikilala siya sa industry bilang helpful na katrabaho.
“Nanay ko kasi gano’n, eh. Nakita ko sa kanya na lahat aampunin kahit wala na s’yang pera.
So, ako ‘yong, ‘Ma, wala na tayong pera’. Pero tuloy pa rin! Kinamulatan ko siyang gano’n. Nanay ko wala na kaming makain ibinibigay pa sa ibang tao. Retired (teacher) na siya ngayon.”
Niyaya niyang tumira sa Manila ang ina.
“’Ma! Pumunta ka nga dito, halika dito sa Maynila, dito ka na. Ilang araw lang s’ya mainit na ulo, gusto nang umuwi sa Mindanao. ‘Ma, dito okey ang buhay, merong gagawa ng lahat para sa ‘yo.’ Eh, mas gusto talaga niya ro’n. Kasi masaya s’ya do’n, ando’n ang mga halaman niya, ando’n ang simbahan niya. Kasi ang nanay ko no’n, school-church-bahay lang. Pero ngayon nagtuturo siya ng cathecism.
‘Tapos me mga gulay s’ya do’n, nagkukutkot (sa lupa). Pagdating dito, kahit bigyan mo s’ya ng lahat, sa kuwarto kahit patutukan mo sa yaya 24 hours, nagagalit. Kaya nag-aaway kami. ‘Ano pa ba kulang dito?’
A, o, di sige, doon ka sa Mindanao. Pero Diyos ko, ang ganda naman talaga sa lugar namin.”
Bakit siya umalis?
“Eh, kailangan kong magtrabaho, breadwinner ako, di ba? Kailangan kong magtrabaho kasi kung hindi nganga kaming lahat. So, ngayon, umokey na ang buhay ko, bumabalik-balik ako do’n. Dahil masaya ako do’n, eh. ‘Pag pagod ako dito at alam kong drained na ako, umuuwi talaga ako. Parang tsina-charge ko ang sarili ko.”
Masaya rin ang kanyang mga anak at husband kapag isinasama niya sa Agusan.
-DINDO M. BALARES