KADALASAN, iniisip natin na marami ang mga taga probinsya na pinipiling pumunta sa mga kalunsuran dahil sa pangako ng trabaho at mas malaking kita. Pero hindi natin nakikita na maaaring ang banta ng sakuna ay isa ring “push factor” sa migrasyon mula sa probinsya tungo sa sa siyudad.
May mga pag-aaral na nagsuri ng relasyon ng sakuna, gaya ng pagbaha sa mga probinsya, sa paglaki ng populasyon sa siyudad. Ang mataas na bilang ng pag-ulan at pagbaha ay maaaring nagdudulot ng migrasyon at paglaki ng populasyon sa mga siyudad, lalo sa mga umuusbong o developing ng mga bansa.
Ang pangunahing income ng marami nating mamamayan ay ang pag-sasaka. Ang pag-ulan at pagbaha ay may malaking epekto sa kanilang pananim at sakahan. Kung lagi na lamang napipinsala ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan, natural na maghahanap sila ng ibang pagkakakitaan. Mainam na makita ito ng ating mga mambabatas upang makalatag sila ng mga polisiya na magbibigay solusyon dito. Mainam na makita ito ng mga lokal na gobyerno upang malaman nila kung anong mga pagkilos ang maaari nilang maisagawa upang maisalba ang isa sa mga pinagkukunan ng kita hindi lamang ng mga mamamayan, kundi ng munisipyo mismo.
Ang sakuna, kapanalig, gaya ng malawakang pagbaha at landslide, ay nagdudulot ng displacement. Kung inyong maaalala ang Typhoon Yolanda, maraming mga biktima nito ay hindi lamang nanatili sa mga evacuation centers, marami ang nagpunta sa Maynila at Cebu upang lisanin ang destruksyong iniwan ng bagyo. Ayon sa isang pag-aaral ng International Organization for Migration, tinatayang mga 17,000 katao ang sumakay sa mga military flights at nagtungo sa Cebu at Maynila mula 15 hanggang 22 ng Nobyembre 2013.
Kaya nga kapanalig, ang ibayong paghahanda para sa sakuna, lalo sa isang bansang arkipelago gaya natin ay mahalaga. Hindi lamang dapat nakatuon ang ating paningin sa mga apektadong lugar, kailangan din natin tingnan ang mga lugar na maaring puntahan ng mga mamamayan upang masiguro na kaya nitong tanggapin ang karagdagang bilang ng mga mamamayan. Ang hamon ng resiliency, ay para sa lahat.
Kapanalig, ang Evangelii Gaudium, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan, ay nag-uudyok sa atin na tingnan ang bulnerabilidad ng mga migranteng iniiwan ang kanilang mga tahanan para sa kaligtasan. Hindi lamang kita o trabaho ang rason kung bakit maraming mga mamamayan ang pumupunta at lumilipat sa lungsod mula sa mga probinsya. Safety o kaligtasan rin ang pangunahing hamon ng isyung ito. Kung hindi makita ng mga lokal na gobyerno ang problemang ito, magigising sila isang araw na malawak na ang naging kabawasan sa kanilang mga botante, at kaunti na lamang ang natitira upang magsulong ng kaunlaran sa kanilang lugar
-Fr. Anton Pascual