ANG POGO ay hindi isang tao o hayop. Si Pugo ay isang komedyante noon. Ang Pugo naman ay uri ng ibon na masarap ang mga itlog, pampalakas daw ng tuhod. Sa ngayon ang POGO (Philippine Offshore Gaming Operations) ay sinusuring mabuti ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) para malaman ang mga epekto nito sa Pilipinas at maging sa China.
Nababahala na rin ang gobyerno ng China sa POGO dahil ang online gaming ay nagbubunga ng hindi kanais-nais na mga pangyayari sa Chinese nationals na nalululong sa sugal at nagiging sanhi ng mga krimen na ang sangkot ay mga Chinese sa ‘Pinas at Chinese sa mainland China.
Samakatwid, ang POGO na hindi tao o hayop kundi isang operasyon ng uri ng pagsusugal, ay maaaring nakaaapekto sa kabuhayan ng mga Pinoy at Tsino. Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na tinanong na niya ang AMLC at ang financial stability team nito kung ano ang impact ng POGO sa bansa sakaling iutos ang pagpapatigil sa operasyon nito.
Ayon sa mga report, may 130,000 Chinese nationals ang nagtatrabaho sa POGO. Malaki rin umanong buwis ang nakukuha mula sa operasyon nito. Ang BSP Governor ang namumuno sa AMLC, na ang mga miyembro ay commissioners ng Insurance Corporation (IC) at Securities Exchange Commission (SEC).
Ganito ang pahayag ni Diokno na dating Kalihim ng Dept. of Budget and Management (DBM): “Tinitingnan namin ang economic risks ng pananatili ng POGO sa PH. Isa sa aming mandato ay ang pagkakaroon ng katatagang pang-ekonomiya”.
Ayon sa kanya, sinusuri ng Dept. of Finance (DOF) sa pamumuno ni Sec. Carlos Dominguez III ang isyu ng tax component ng POGO samantalang ang BSP ay konsernado sa katatagang pang-ekonomiya ng Pilipinas. May mga reklamo na pawang Tsino ang empleyado ng mga POGO. Hindi puwede ang Pinoy employees rito. Kung gayon, ang nadi-discriminate sa POGO ay mga Pinoy at hindi mga Tsino.
oOo
Alam ba ninyong binigyan ng House committee on appropriations ang Office of the Vice President (OVP) ng P673 milyong budget para sa 2020. Samantala, ang Office of the President ay dinagdagan pa ng P1 bilyon ngayon kaya naging P8.2 billion ang budget para sa 2020.
Hindi na nakapagtataka kung bakit maraming nagagawa ang Tanggapan ng Pangulo kumpara sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo. Dahil dito, hindi rin nakapagtataka kung sa mga survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, malaki ang agwat ng performance rating ng OP sa OVP.
Sa pondong ibinigay sa OVP, mahigit sa kalahati o P378 milyon ay ilalaan sa “financial assistance/ subsidy” bagamat ang nasabing halaga ay P20 milyong mababa sa alokasyon ngayong taon. Samantala ang OP ay may P8.2 bilyon para sa 2020, na ang P4.5 bilyon ay para sa intelligence and confidential expenses.
Aminado si Defense Sec. Delfin Lorenzana na mahina ang kakayahan ng ‘Pinas para ipagtanggol ang teritoryo sa intrusions ng mga dayuhang barko o warships. Humihingi siya sa Kamara ng mas malaking budget ngayong 2020, dagdag na P5 bilyon sa P183.9 bilyong budget ngayong 2019. Nais niyang ipagkaloob sa kanyang tanggapan ang P188.65 bilyon upang mapalakas ang defense program ng DND.
-Bert de Guzman