ANO bang gayuma mayroon si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez at halos lahat na lang ng awtoridad na inaasahan ng mga mamamayan na dapat tumulong upang lubusan na mapagdusahan nito ang karumaldumal na nagawang krimen, ay sila pa mismo ang nangunguna sa pagbaluktot sa batas upang malusutan ng convicted murderer at rapist ang kaso nito?
Ganito kasi ‘yon: May imbestigador na pinalabo ang imbestigasyon sa pagdampot sa maling suspek. May pulitiko, opisyal sa gobyerno, at maging kagalang-galang na klerigo sa simbahan, naman ang mga pa-simpleng inaarbor si Mayor Sanchez sa mga imbestigador, at maging sa hukom na humawak sa kaso. Ngayon naman, nang makulong sa hatol na pitong habambuhay na pagkabilanggo, ay nasilipan ng butas ang batas upang agad na makalaya na ito.
Balikan natin ang naging takbo ng kaso:
Sa pag-iimbestiga ng Philippine Anti-Crime Commission (PACC) na noo’y nasa ilalim ng opisina ni Vice President Joseph “Erap” Estrada, ang itinuturo nitong suspek ay si Teofilo “Kit” Alqueza, anak ni General Dictador Alqueza, na maimpluwensiyang pamilya rin sa Laguna.
Nagkaroon ng halos isang buwan na Congressional investigation na wala ring narating -- dami kasing pa-epal lamang na mambabatas – kaya agad inutusan ni Pangulong Fidel “Tabako” Ramos, ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na lutasin ang kaso sa pinakamabilis na paraan.
Ang mabigat na trabaho ay napaatang sa balikat ni “Joker” o Director Pantaleon Dumlao Jr., PNP Deputy Chief for Operations, na agad ding ipinatrabaho ito sa dati niyang mga tauhan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na sina Major Jesus “Bigote” Verzosa, na naging CPNP, at Captain Benjamin “Kidlat” delos Santos, na naging BuCor chief.
Gamit ang makabagong technique sa pag-iimbestiga-- mula sa wala ni katiting na impormasyon at ebidensiya-- ay nagawa nina “Bigote” at “Kidlat” na mapakanta ang ilan sa tauhan ni Sanchez, habang si mayor ay patuloy sa matigas nitong pagtanggi sa krimen.
Isinalang nila “Bigote” at “Kidlat” ang mga testigo sa “polygraph examination” sa isang pribadong investigation agency, upang masiguro nilang hindi nagsisinungaling ang mga ito at para na rin maiwasan na magka-leak ang kanilang trabaho.
Kumpleto na sa detalye ang grupo, ang tanging problema ay wala pa rin silang kaukulang warrant of arrest para hulihin at ikulong na si Sanchez, na noo’y naghahanda na rin palang tumakas dahil nalaman nitong may kumanta na sa mga tauhan niya.
Gabi pa lang ng Agosto 12, 1993 ay napapaligiran na ng mga pulis ang bahay ni Sanchez, upang pigilin ito sakaling magtangkang umalis at magtago dahil sa kaso na kanyang kinakaharap.
Dito biglang pumasok sa eksena ang noo’y Justice Secretary Frank Drilon-- na abala rin sa pakikipag-coordinate sa mga imbestigador– na dala ang warrant.
Ngunit ang warrant of arrest para kay Sanchez na dala ni Drilon noong Agosto 13, 1993 ay para “tax case” na naka-pending sa isang korte sa Maynila, at bailable pa nga ito.
Ngunit ito pa rin ang ginamit sa pag-aresto kay Sanchez ng araw na iyon.
Nagkaroon ng drama, nang ilabas si Sanchez na buhat-buhat ni “Bigote” dahil sa pilit na humarang sa kalsada ang mga supporter nito. Ngunit nabitbit din si Sanchez patungo sa Department of Justice (DoJ) kung saan siya ay agad na ini-inquest. Mula sa ‘di kalayuan, sakay ng service vehicle ng PNP-- ay panay naman ang punas sa mata ng naging emotional na si “Joker” na todo ang naging pagtutok sa imbestigasyon ng CIDG.
Naihain din ang bagong kaso laban kay Sanchez. Napunta ito sa sala ni Judge Harriet Demetriu. Habang on-going ang pagdinig sa kaso ni Sanchez, dinalaw si Judge ng ilang lider ng simbahang Katoliko na “inaarbor” ang rapist at murderer na Mayor dahil wala naman daw itong kasalanan.
Hindi nagpatinag ang matapang na Judge, na dahil sa kabi-kabilang banta sa buhay nito ay binigyan ng proteksyon ng PNP.
Makaraan ang 16 na buwan na pagta-trial-- noong Marso 11, 1995 -- si Sanchez ay nahatulan ng pitong counts ng habambuhay na pagkabilanggo.
Ngunit namemeligro na maputol ang sintensiya na binubuno ni Sanchez, dahil sa nasilip ng ilang magagaling na opisyal ng BuCor, na may butas pala ang batas na RA-10592 o mas kilala sa tawag na Good Conduct Time Allowance (GCTA) – upang ang kagaya ni Sanchez ay makalaya na kapalit ng malaking halaga!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.