NAPAULAT nitong nagdaang Miyerkules ang pagmumungkahi ni Nur Misuari, founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa pagsasama ng Organization of Islamic Cooperation (OIC) sa panibagong pagbubukas ng usaping pangkapayapaan sa bahagi ng Mindanao.
Marami ang nagtataka hinggil sa nagpapatuloy pang usaping pangkapayapaan sa Mindanao, gayong naitatag na ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM). Mahigpit na isinulong ng nakaraang administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Bangsamoro, ngunit napagtibay lamang ito matapos itong gawing prayoridad na programa ng kauupo lamang noon na si Pangulong Duterte para sa Mindanao, kasabay ng pagsusulong ng pederal na sistema ng pamahalaan.
Ipinatutupad na ngayon ang BARMM, matapos itong maaprubahan ng Kongreso at makapagtalaga ng interim official sa pangunguna ni Chief Minister Murad Ebrahim para sa transition period hanggang 2022. Dati niyang pinamumunuan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), na ang mga kawal ay ikinokonekta na ngayon sa Armed Forces of the Philippines.
Ngunit ang pagsisikap na matamo ang kapayapaan sa Mindanao ay malayo pang maisakatuparan. Dahil ngayon kinakailangan naman harapin ni Pangulong Duterte si Misuari at ang MILF.
Ito ay dahil hindi lamang iisang pangkat etniko ang mga Moro. Maraming magkakahiwalauy na grupo, na bawat isa ay may sariling wika at kultural na tradisyon. Nagawang makamit ng MNLF ni Misuari ang pagtatatag ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) noong 1989 ngunit bumitaw ang MILF at nagpatuloy sa paghihimagsik sa pamahalaan, hanggang sa makamit nito ang pagtatatag ng BARMM ngayong taon.
Nariyan pa ang maraming iba pang katutubong grupo na hindi mga Moro sa Mindanao na kinikilala bilang mga Lumad. May malaking bilang din ng mga Kristiyano mula sa mga ninuno na nanggaling sa Visayas at Luzon. Mismong si Pangulong Duterte ay mula sa pamilyang galing ng Cebu sa panig ng kanyang ama at pamilya mula Leyte sa kanyang ina.
Sa ganitong pagkakahati-hati ng Mindanao sa kasalukuyan, hindi na kataka-taka na magkaroon ng sigalot. Malaking bahagi ng gulong ito ang naayos na sa pagkakatatag ng BARMM sa pangunguna na MILF sa gitnang Mindanao, gayunman kailangan namang bigyan ng atensiyon ng Pangulo ang isa pang malaking grupo ng mga Moro, ang MNLF ni Misuari sa kanlurang Mindanao.
Humingi na ng tulong pamahalaan sa MNLF upang harapin ang Abu Sayyaf, isang rebeldeng grupo na aktibo sa Sulu at Basilan, na kilala sa pagdukot ng mga dayuhan kapalit ng ransom. Ang naging pakikipagpulong ng Pangulo kay Misuari ay ikaapat na ngayong taon. Sa nasabing pagpupulong na ito iminungkahi ni Misuari ang pagsama ng OIC sa usaping pangkapayapaan. Ang OIC, na binubuo ng mga nangungunang Muslim na bansa sa mundo, na tumulong sa orihinal na pagtatatag ng ARMM noong 1989.
Kaisa ni Pangulong Duterte ang bansa na umaasa sa patuloy na paghahanap ng kapayapaan para sa Mindanao. Umaasa tayo sa kanyang tagumpay sa isyung nabigo ang maraming nagdaang administrasyon.