PATATAGIN ang kapit sa liderato ang asam ng defending champion Creamline sa pakikipagtuos sa Choco Mucho sa tampok na laro ngayong gabi ng PVL Season 3 Open Conference.

Tatangkaing masungkit ng Cool Smashers ang ika-6 na sunod na tagumpay sa pagtutuos nila ng Flying Titans sa tampok na laban ganap na 6:00 ng gabi kasunod ng unang laban kung saan magtatapat ang Chef’s Classic at Balipure ganap na 4:00 ng hapon.

Mauuna rito ang triple header para sa PVL Season 3 Collegiate Conference na magsisimula ng 8:00 ng umaga sa tapatang College of St. Benilde at Lyceum.

Susundan ito ng salpukan ng Far Eastern University at ng Arellano ganap na 10:00 ng umaga at ng bakbakan ng San Beda University at Ateneo ganap na 12:00 ng tanghali.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Huling tinalo ng Creamline para sa ikalimang dikit nilang panalo ang PetroGazz habang kababalik lamang ng Choco Mucho sa winning track matapos matalo ng dalawang sunod makaraang igupo ang Chef’s Classic noong nakaraang Linggo.

Solong pamumuno naman ng kani-kanilang grupo ang tatangkain ng Arellano Lady Chiefs at ng Ateneo Lady Eagles sa pagsalang nila sa magkahiwalay na laro.

Parehas may tig-dalawang panalo ang reigning NCAA champion Arellano at ang UAAP title holder Ateneo, ang una sa Group B kasalo ng University of Santo Tomas at ang huli sa Group A katabla ng Adamson.

Kapwa naman galing sa bounce back win ang kanilang makakalaban matapos mabigo sa una nilang laro, ang katunggali ng Lady Chiefs na Lady Tamaraws at ang katapat ng Lady Eagles na Lady Red Spikers.

Magkukumahog namang makabawi ang Lady Blazers sa natamong kabiguan sa nakaraan nilang laban sa pagtutuos nila ng winless pa ring Lady Pirates.

-Marivic Awitan