HINDI nakasipot si Pangulong Duterte sa seremonya para sa National Heroes Day nitong Lunes sa Libingan ng mga bayani sa Taguig City. Ayon kay Sen. Christopher “Bong Go”, masama ang pakiramdam ng Pangulo. “Ang Pangulo ay 74 taong gulang na. Kahit sino ay makakaramdam din ng ganito. Huwag na natin siyang pilitin. Kailangang asikasuhin niya ang maraming paperwork at daluhan ang mga private meeting tulad nitong kay Moro Islamic Liberation Front founding chair Nur Misuari. Ganoon pa man, maganda ang kanyang kalagayan para sa pagbisita niya sa China sa linggong ito. Walang dapat ikabahala hinggil sa kalusugan ng Pangulo. Nakatakda nga siyang dumalaw sa burol ng napatay na sundalo nitong hapon,” wika pa ni Sen. Go sa mga mamamahayag sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Sa nasabi ring okasyon, binanggit din ng senador na inatasan ng Pangulo sina Justice Secretary Menardo Guevarra at Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon na huwag palayain si Calauan Mayor Antonio Sanchez. Nauna kasing inihayag ni Secretary Guevarra na isa si Sanchez sa 11,000 presong nakatakdang palayain dahil sa batas na nagpapaigsi sa kanilang sentensiya sanhi ng good behavior. Eh hinatulan si Sanchez ng pitong 40 taong pagkabilanggo sa salang pagpatay at panggahasa kay Eileen Sarmenta at pagpatay kay Alan Gomez na pawang mga estudyante ng University of the Philippines Los Baños.
Mukhang nakalimutan ni dating Presidential Aide Bong Go na siya ay senador na. Kasi hanggang ngayon ay nagsasalita pa siya para sa kapakanan ng Pangulo. Mayroon na itong spokesman sa katauhan ni Salvador Panelo at hindi na kailangang agawan pa niya ito ng trabaho. Hindi mahalaga kung paano siya naging senador. Ang mahalaga, siya ay senador na at ang kanyang tungkulin ay katawanin ang interes ng taumbayan. Paano kung may okasyon, na madalas namang nangyayari, na ang sinasabi o ginagawa ng Pangulo ay sinasalungat ng mamamayan dahil sa akala nila ay makapipinsala sa kanilang interes, saan lalagay si Sen. Go? Mananatili ba siyang spokesman ng Pangulo sa senado?
Isa pa, bakit ipinauubaya ng Pangulo kay Sen. Go ang pagpapahayag sa mga reporter hinggil sa kanyang kautusan kina Justice Secretary Guevarra at BuCor Diretor Faeldon na pigilin ang pagpapalaya kay Sanchez? Napakalabnaw nito para maging kampante ang mamamayan na hindi mapalalaya si Sanchez.
Tingnan ninyo ang reaksiyon ni Guevarra sa sinabi ni Go sa mga reporter hinggil sa kautusan ng Pangulo na huwag palayain si Sanchez: “Ang kahilingan na natanggap ko mula sa Malacañang ay itigil muna ang pagpoproseso sa kaso ni Mayor Sanchez hanggang hindi lubusang nate-thresh out ang lahat ng factual at legal isyu.”
Kaya kay Guevarra, hindi utos kundi kahilingan lang. Paano kung sa kanyang sariling pag-aaral ay puwede nang palayain si mayor? Nauna na niyang sinabi, hindi ito puwedeng habulin o pigilin. Dapat maging alerto ang taumbayan lalo na ngayong naiulat na nakatakda na palang lumabas si Sanchez noong Agosto 20.
-Ric Valmonte