MAPANATILI ang kapit sa No.2 sa pagtatapos ng first round elimination ang target ng College of St. Benilde sa pagsagupa kontra Jose Rizal University sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament ngayon sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Taglay ang barahang 5-2, sisikapin ng Blazers na makabalik sa winning track sa pagsungkit ng ika-6 na panalo matapos mabigo sa kamay ng defending champion San Beda University sa nakaraang laro.
Bagama’t pinapaboran kontra Heavy Bombers base na rin sa kanilang ipinakita sa mga nauna nilang laro, aantabayanan pa rin kung madaling makakapag-adjust ang Taft-based dribblers sa pagkawala ng isa sa kanilang ace guard na si Jimboy Pasturan na hindi na makakalaro hanggang matapos ang season makaraang magtamo ng injury sa kanyang balikat sa nakaraang laban kontra Red Lions.
Bukod sa pagkawala ni Pasturan na isa sa mga dahilan ng maganda nilang panimula ngayong season, hindi rin makakaupo sa kanilang laban kontra JRU si coach TY Tang na awtomatikong suspendido matapos ang kanyang ejection.
Sa panig naman ng JRU, magkukumahog din itong makabalik sa winner’s circle makaraang malaglag matapos ang 63-83 pagkatalo sa Mapua may dalawang linggo na ang nakakaraan na nagbaba sa kanila sa ika-6 na posisyon kapantay ng Cardinals taglay ang 3-5 karta.
Magtatangka namang sumalo sa Letran sa ika-4 na puwesto ang hangad ng San Sebastian College sa pagtutuos nila ng Emilio Aguinaldo College sa huling laro ganap na 4:00 ngapon.
Kasalukuyang nasa ilalim at may isa pa lamang panalo matapos ang walong laro, pagsisikapan ng Generals na manalo sa pagtatapos ng kanilang first round campaign upang makabuwelo papasok sa ikalawang round.
-Marivic Awitan