ANG ikinonsidera bilang isang ‘maliit’ na aksidente sa dagat, ang gulo sa Recto Bank, na nangyari sa bahagi ng West Philippine Sea na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng ating bansa, ang nagbigay-daan upang mapilitan ang Malacañan na ipatupad ang mas malakas na tindig laban sa dominanteng pag-atake ng China sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa una, nais pa ng Palasyo na yakapin ang maingat na tindig hinggil sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 17, 2016 na pumapabor sa pag-angkin ng bansa sa ilalim ng United Nations Convention for the Law of the Sea. Bilang pangunahing rason para sa aksiyon nito, nabanggit ng pamahalaan ang pagbabago ng polisiya at ang pakikipagkaibigan bilang pangunahing salik.
Nagdulot ang insidenteng ito ng mainit na diskusyon sa lahat ng sektor at naging daan upang mapilitang maghain ang foreign affairs office ng diplomatikong protesta sa embahada ng China sa Maynila. Ngunit para sa hanay ng mga militante, isa itong oportunidad upang muli nilang maisigaw ang oposisyon at batikusin ang administrasyong Duterte hinggil sa umano’y hindi katanggap-tanggap na pakikipag-alyansa sa China.
Bagamat ang nangyaring pagbangga sa bangkang pangisda ay nagdulot ng tila biyaya bilang epekto sa mga mangingisda, ang posisyong pinili ng Palasyo ang naging kaduda-duda. May mga pagkakataon na kailangang magpahayag ng Palasyo ng magagandang salita at ipagtanggol pa ang posisyon sa China sa isyu.
Ngunit ang pagkakaibigan ay isang bagay na maaring bahagi ng plano ng China. Sa paglalantad nito ng kapangyarihang militar at lantarang pagbalewala sa arbitral ruling, nananatiling banta ang presensya ng China sa katubigang bahagi ng ating EEZ, anumang uri ito ng sasakyang pandagat, ito man ay para sa pananaliksik o simpleng pagdaan lamang.
Bilang tugon sa galit ng publiko sa social media, nangako si Pangulong Duterte na babanggitin niya ang arbitral ruling sa pakikipagkita niya kay Chinese president Xi Jinping. Gayunman, kakailanganin na ngayon ng mga barkong papasok sa teritoryo ng Pilipinas na humingi muna ng permiso bago makapasok.
Samantala, ang isyu na nagtulak kay Defense Sec. Delfin Lorenzana na magpahayag ng komento sa China ay ang pangamba hinggil sa biglaang pagdami ng mga mangagawang Chinese sa Philippine gaming offshore operations (POGO) na itinuturing ng militar na isang banta.
May malinaw na mga dahilan upang paniwalaan ang defense chief sa kanyang mga ebidensiya, kabilang dito ang pagdagsa ng mga Chinese sa mga lokal na lugar-pasugalan sa bansa, na magandang lugar para sa pagbabahagi ng mga impormasyon at kriminal na aktibidad; ang tila hindi pangkaraniwang pagpili ng lugar para sa trabaho at tirahan na malapit sa mga base ng militar; pagtaas ng bilang ng mga pumapasok sa firing ranges; at ang pagpasok ng mga manggagawang Chinese na kalimitang mga bata, may magagandang pangangatawan at kapansin-pansing nagsanay sa militar.
Ilang sektor ang nagsasabi na ang pagpasok ng mga Chinese sa bansa ay bahagi ng “tourism diplomacy.” Ngunit para sa defense at sangay ng pulisya ang kilos at aksiyon na ito ay kahalintulad ng ginamit na taktika ng mga Hapon sa Davao bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
-Johnny Dayang