BASE sa ipinakitang trailer ng pelikulang Marineros - Men in the Middle of the Sea sa ginanap na mediacon na bagong pelikulang idinirek ni Anthony Hernandez at pagbibidahan nina Michael de Mesa, Clair Ruiz, Paul Hernandez, Ahron Villena, Alvin Nakasi, Jef Gaitan, Jon Lucas at Valerie Concepcion, ay naka-relate kami sa hirap ng mga nagtatrabaho sa barko dahil may kapatid at kaanak kaming nagtrabaho sa cruise ship.
Masarap ikuwento sa mga kaibigan o ibang tao na may asawa, anak at kapatid kang nagtatrabaho sa barko kasi nga malaki ang suweldo at mababago na ang pamumuhay dahil mapapatayo na ang pangarap na bahay, mabibili ang mga gustong gamit pati personal na gusto ng bawat miyembro ng pamilya.
Ang hindi alam ng lahat, ang hirap magtrabaho sa barko lalo na kung bago ka palang dahil sa pinakailalim na palapag ka maa-assign at habang tumatagal ay saka ka naman ililipat pataas at higit sa lahat, laging nasa panganib ang buhay habang nasa gitna ng karagatan lalo na kung masama ang panahon. Pero tinitiis ng Marineros ang ilang buwan at taong paghihirap para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kaya na-appreciate namin ang pag-imbita ng Golden Tiger Films at Premier-Dreams Productions, Inc producers sa mga pamilya ng Marineros sa mediacon para maibahagi rin nila ang personal experiences nila sa kuwento ng pelikula.
Kilala si Direk Anthony sa paggawa ng advocacy films at isa na nga itong Marineros o seafarers. Aniya, kaya ganito ang titulo ay, “kasi gusto kong ipakita ang buhay at pamilya ng marineros.
“Inspired stories ito ng mga pamilya ng marineros na ginawang isang kuwento para sa iisang pamilya,” pahayag ni direk Anthony.
Nagpapasalamat naman nang husto ang direktor na tinanggap ni Michael ang karakter, “God’s will na rin talaga na siya ang nakuha namin sa husay, sa galing at saludo kami talaga at sa time na ibinigay niya sa amin na alam naming busy siya (FPJ’s Ang Probinsyano) ay very thankful kami at nababagay talaga sa kanya ang role niya as bulag.”
Sa 12 films na nagawa na ni Direk Anthony ay ikatlo ang Marineros sa paborito niya, una ang Matteo Guidicelli starrer at ang Tell Me Your Dreams ni Aiko Melendez.
“Itong ‘Marineros’ kasi ay marami akong cast at sinyut ito sa Hongkong at 70% naman ng pelikula ay sa Bohol naman kinunan. Very expensive (pelikula) in a way na doon palang sa logistic, e (magastos na),” kuwento ng direktor.
Hindi umabot sa deadline ng 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) ang Marineros kaya ang ginawa ng GoldenTiger Films, “right after ng PPP which is September 19, ay ipalalabas naman kami ng September 20, Biyernes nationwide.”
At siniguro rin ni Direk Anthony na hindi lang sa Pilipinas ipalalabas ang pelikula nila dahil dadalhin din ito sa iba’t ibang film festivals sa ibang bansa.
“May mga kinokontak na rin kaming international booker,” saad pa ng direktor cum producer.
Hindi naman maitatanggi na bihira ngayon kumikitang local film dahil simula no’ng Enero 2019 ay tatlo palang ang masasabing box office hits. Ito ‘yung mga lumampas na ng hundred million mark, ang Alone Together, Eerie at ang kasalukuyang palabas na Hello, Love, Goodbye na umabot na sa mahigit isang bilyon ang kinita.
As of now ay hataw din sa takilya ang Just A Stranger na posibleng tumuntong sa mahigit P100M.
Anyway, aware si Direk Anthony na pahirapang maibalik ang puhunan kaya gumagalaw raw talaga ang team nila na mai-promote nang husto ang Marineros tulad ng pagkakaroon nito ng advance screening sa Bohol kung saan pawang mga pulitiko ang nakapanood na.
“Okay naman ‘yung mga naging feedback nila kaya hoping kami na maging okay naman pag ipinalabas na. It’s an inspiring story, drama na may kurot sa puso,” sabi pa ni Direk Anthony.
-Reggee Bonoan