MAY magandang balita nitong mga nakaraang linggo mula sa Sarangani Bay sa katimugang bahagi ng Mindanao. Malaking grupo ng mga marine mammals—mga sperm whales at dolphins—ang napaulat na nakita sa katubigang bahagi ng Glan at Malapatan sa probinsiya ng Sarangani at General Santos City—na tila dumarami sa mayaman na katubigan ng nasabing look.
Daan-daang uri ng marine mammals ang nasilayan sa isang linggong paglilibot ng grupo ng pamahalaan sa look, isang senyales na ang look ay may malusog na kapaligirang pandagat kasama ng masaganang pagkain para sa mga lamang-dagat. Kabilang sa bumisitang grupo ang mga kinatawan mula Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang Sarangani Bay Protected Seascape, ang Sarangani Province Environmental Conservation and Protection Center, at ang General Santos City DENR office.
Taong 2010, nang simulang masilayan ang mga dambuhalang hayop ng karagatan, nang ipag-utos ang isang marine survey ng probinsiyal na pamahalaan ng Sarangani bilang bahagi ng Sarangani Bay Festival tuwing Mayo. Matagal nang kinikilala ang look para sa biodiversity nito, na sinasabing mas mayaman kumpara sa Carigara Bay ng Northern Leyte, Sogon bay ng Southern Leyte, Bais Bay sa Negros, at Illana Bay sa Hilagang kanluran ng Mindanao.
Kabalintunaan sa mga look ng Pilipinas na mayaman sa yamang-dagat, ang ating Manila Bay na napakatindi na ng polusyon na walang anumang lamang-dagat tulad ng balyena at dolphin ang masisilayan sa katubigan nito sa matagal nang panahon. Maaring namamalagi rin ang mga lamang-dagat na ito sa nasabing look, na higit apat na beses ang laki kumpara sa Sarangani Bay, noong panahon bago pa maging ganito ang kalagayan sa kasalukuyan. Hindi nila makakayanan ang tindi ng polusyon ngayon.
Sa huling ulat, umaabot sa 2.44 billion MPN (most probable number) per 100 milliliters ang fecal coliform level sa tubig sa bahagi ng Malate, Manila. Malayo ito sa lebel na ligtas para paliguan na 100 MPN. Sinimulan na ng DENR ang paglilinis ng Manila Bay, kasunod ng matagumpay nitong anim na buwang paglilinis sa isla ng Boracay, ngunit napagtanto nila na aabutin ito ng higit sampung taon upang makamit ang katulad na resulta sa Manila Bay.
Sa mga lumipas na taon, 17 ilog ang dumadaloy patungo sa look, dala ang maruruming basura at dumi ng libu-libong mga iskwater at iba pang pamilya, dagdag pa ang maruming tubig na ibinubuga ng mga pabrika at iba pang komersiyal na establisyamento sa daang libong mga barangay na nasa paligid ng look, mula sa Bataan sa hilagang kanluran, sa Pampanga at Bulacan, sa Metro Manila, at Cavite sa timogkanluran.
Mapalad ang Sarangani Bay at iba pang bahagi ng tubig sa katimugang bahagi ng Pilipinas na mayroon pang nasisilayang mga balyena, dolphin, at iba pang yamang-dagat na namamalagi sa malinis na katubigan. Dapat na matuto ang lokal na pamahalaan ng mga probinsiya na sumasakop sa mga look mula sa trahedya na dinaranas ng Manila Bay dahil sa pagpapabaya ng mga responsableng mga opisyal na nagpahintulot na mangyari ang kinahinatnan ng look ngayon, ang pinakamarumi, pinaka may matinding polusyon na bahagi ng tubig sa buong bansa.