MAKAKASAMA sa hukay na paglilibingan nang tinambangan na opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga dokumentong magpapakita kung sinu-sino ang mga nagkutsabahan na mga bossing niya, upang makasama si convicted murderer-rapist Mayor Antonio Sanchez bilang ika-187 sa halos 11,000 na umpisang makakalaya sana noong Agosto 20, 2019 sa bisa ng Republic Act 10592.
Hindi sasala ang tungtong sa palayok sa hinala kong ito, na agad naglaro sa aking isipan ilang minuto lamang matapos na malaman ko ang breaking news sa pagkaka-ambush kay Ruperto L. Traya Jr., 53, Chief Administration Officer 3 ng BuCor.
Pinatay siya sa loob mismo ng compound ng National Bilibid Prisons na kung tawagin ay Barangay Poblacion, Muntinlupa City. Siniguro ng mga salarin na patay na si Traya -- na makikita sa mga tama nito ng bala sa ulo at katawan – bago nila ito iniwan at tumakas patungo sa ‘di malamang lugar.
Ayon sa mga impormasyon na aking nakalap ilang oras matapos ang pagpatay kay Traya, lubhang maselan ang mga hinahawakan niyang dokumento na karamihan ay pinagkakakitaan ng milyones ng mga nakaupong opisyal ng BuCor, at alam ng mga ito na hindi kumportable sa ginagawa nila si Traya.
‘Di kumportable dahil nabubukulan kaya siya o ayaw niya lang talaga? Kasi nga ay ‘di niya ma-take na ang katulad ni Sanchez ay makalabas sa tulong ng GCTA Law na para lamang sa mga karapat-dapat na bilanggo na hindi convicted sa heinous crimes na gaya ng murder at rape.
Malamang na hawak ni Traya ang mga ebidensiya kung paano hinihilot ang kaso at mga pumirma nang pagsang-ayon sa desisyon upang ang mga nakakulong na convicted sa heinous crimes -- upang pagkakitaan ng milyones – ay makasama sa biyayang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law na nagpapaikli sa hatol ng pagkakakulong ng mga bilanggo.
Ito pa ang matindi. Kasama sa mga itinatagong pirmadong release order na umano’y hawak ni Traya ang dokumento ng kaso ng pitong suspek sa murder – rape case ng magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong noong Hulyo 1997 sa Cebu City.
Natagpuan ang bangkay ni Marijoy sa isang bangin sa Carcar, Cebu at ang sa kanyang kapatid na si Jacqueline ay ‘di na nakita pa. Ang suspek na mga kabataan ay nasitensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo noong Mayo 5, 1999. Makaraan ang limang taon, matapos na repasuhin ng Supreme Court ay itinaas ang sintensiya sa parusang kamatayan.
Patuloy inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin na sa palagay ko ay taga-NBP compound rin at alaga ng ilang opisyal sa loob.
Sana nga ay malutas agad at walang magamit na “panakip-butas” na mga suspek na aamin sa pagpatay – na dahil sa tindi ng pahirap na inabot ay pati ang pagpatay kay Jose Rizal ay aaminin na rin -- upang ‘di matukoy ang tunay na motibo sa pagpaslang kay Traya.
Ngunit duda ako na baka magaya lang ito sa unang arangkada ng imbestigasyon noong 1993 nang matagpuan ang bangkay ng magkasintahang Eileen Sarmenta at Allan Gomez, na sa rami ng gustong pumapel at mag-imbestiga ay inabot ng siyam-siyam ngunit wala pa ring maiturong mga tunay na salarin.
Ang naglilitawan ay grupo ng mga imbestigador na pumapapel – kani-kanyang angulo at pakilala ng mga posibleng suspek sa krimen – na ang tanging pakay ay pagtakpan at ilayo sa kaso ang number one nilang source ng kabuhayan kada linggo – ang kilalang –kilala na galanteng gambling lord sa Laguna na si Mayor Sanchez.
Ngunit alam ninyo ba na nang hulihin si Sanchez ay hindi warrant sa kasong murder at rape ang ginamit ng mga operatiba para siya ay maikulong muna, habang iniimbestigahan sa kaso nang pagdukot at pagpatay sa magkasintahang Eileen at Allan?
Sa huling bahagi ng seryeng ito sa Lunes ay malalaman ninyo ang kabuuan ng imbestigasyong ito na iniiyakan ng hinahangaan kong Police General na namuno sa pagkama ng kaso dahil sa labis na katuwaaan habang pinanonood mula sa kanyang sasakyan ang pag-aresto kay Sanchez. Abangan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.