PARANG sugat na muling nakanti ang masaklap at kalagim-lagim na kamatayan ni Mary Eileen Sarmenta at ng kaibigang si Allan Gomez noong 1993. Sila ay kapwa estudyante sa UP Los Baños. Mahapdi at kalunus-lunos na gunita ang muling binuhay bunsod ng mga balita sa posibleng paglaya ng convicted rapist-killer na si ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Para kay Sen. Bato dela Rosa na napaulat noong una na nagsabing bigyan ng “second chance” ang alkalde, sinabi niya ngayon na kung may death penalty lang noon, dapat ay binitay na si Sanchez. Matindi si Bato, gusto niyang sa pamamagitan ng firing squad ang pagbitay.
Para naman sa Ingliserong si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., “dapat siyang mabulok at mamatay sa loob ng bilangguan.” Si Sanchez ay hinatulang makulong ng pitong beses na habambuhay. Kung ang isang habambuhay na parusa ay 40 taon, samakatwid mananatili siya roon ng 240 taon.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra, hindi puwedeng makalaya ang manggagahasang-mamatay-tao na alkalde dahil siya ay convicted sa heinous crime o kasuklam-suklam na krimen. Ayon sa DOJ Secretary, hindi masasaklaw si Sanchez ng R.A. 105392 para sa reduction ng kanyang prison sentence sa tinatawag na Good Conduct and Time Allowance (GCTA).
Ang rapist-murderer na Mayor ay nahatulan noong 1995 na mabilanggo nang pitong habambuhay dahil sa pagpatay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993. Malagim ang nangyari kay Eileen dahil ginahasa na siya ng alkalde, ginahasa pa rin siya ng mga alipores nito.
Higit na mabagsik at kategorikal ang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Nicanor Faeldon nang sabihin niya na ang 73-anyos na rapist-murderer ay hindi saklaw ng GCTA. Ayon sa kanya, si Sanchez ay sangkot sa ilang insidente ng misbehavior o hindi magandang asal sa bilangguan. “Hindi siya kuwalipikadong umuwi ngayon o sa susunod pang mga buwan. Hindi siya eligible agad para lumaya”. Idinagdag niya na maaaring ang paglaya ni Sanchez ay mangyari sa loob ng maraming taon.
Binanggit ni Faeldon ang “not-so-good behavior” ng ex-Mayor nang mahuli siyang may air-conditioned unit at flatscreen TV sa raid sa kanyang selda noong 2015. Nahuli rin siya na may nakatagong milyun-milyong pisong halaga ng iligal na droga sa loob ng estatwa ni Virgin Mary noong 2010. Convicted din si Sanchez sa double murder ng mag-amang Nelson at Rickson Penalosa noong 1996.
Bulalas ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Nakapagtataka na parang may nagrekomenda ng good behavior sa kanya kahit sa loob ng selda ay nakagagawa ng kawalang-hiyaan. Baka may maimpluwensiyang tao o mga tao na nanunuhol sa mga tiwaling BuCor officials.” Tugon ko: “Aba ewan ko. Ang sapantaha mo ay siya ring sapantaha mo.” Sabad ng senior-jogger na kasama naming umiinom ng kape habang umuulan: “Ano ba yung sapantaha na sinasabi mo?”
Sagot ko kay senior-jogger na hindi ko malaman kung nagtatanga-tangahan: “Itanong mo kina Bato, Teddy Boy Locsin, Sec. Guevarra, Faeldon kung ano ang sapantaha.” Marahil, kung hindi sumabog sa media ang pagpapalaya kay Sanchez kasama ng ilang libong bilanggo, baka siya ngayon ay nakauwi na sa Calauan at nag-eenjoy.
Samantala, marami ang nagsasapantaha ngayon na dahil sa daluyong ng pagkontra, protesta, at pagkagalit sa posibleng pagpapalaya sa manggagahasa-mamatay-tao na alkalde, baka siya ay mabulok sa loob ng bilangguan at doon na siya mamatay kahit hindi siya ma-firing squad ni Senator Bato.
-Bert de Guzman