NITONG nagdaang linggo ginunita ang anibersaryo ng ika-40 National Reservist Week Provincial Convention na ginanap sa Dumaguete City. Ito ay isang taunang pagpupulong ng mga ‘Reservists’ mula sa iba’t ibang hanay ng AFP, halimbawa, Philippine Army, Air Force, Navy at Marines. Ilan sa mga panauhing pandangal na dumalo ay sina Reservist and Retiree Affairs Deputy Chief of Staff Commodore Ramil Roberto Enriquez, 302nd Infantry Brigade Commander B/General Ignacio Madriaga, na siyang kinatawan ni Central Command Commander Lt/General Noel Clement ng buong Visayas; at ang mismong gobernador ng Negros Oriental na si Reservist Lt/Colonel Roel Degamo ng Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas. Tema ng selebrasyon, ang “Laang-Kawal: Makabagong Lingkod Bayan ng Maasahan, Sa Panahon ng Digmaan, Sakuna at Kapayapaan.”
Nabigyan-diin sa naturang piging ang kasaysayan ng kagitingan ng Pilipino bilang mandirigma simula kay Lapu-Lapu noong 1521, si Francisco Dagohoy ng Bohol (1744-1828), Leon Kilat na ang tunay na pangalan ay Lt/General Pantaleon Villegas mula Bacong Negros Oriental. Katuwang ang Laang-kawal sa panahon ng sakuna, pagtulong ng kusa sa mga kababayang may mga pangangailangan sa malalayo at liblib na mga lugar sa bansa sa pamamagitan ng libreng serbisyo tulad ng mga doktor, dentista, abogado, gamot, kontra-bulate, minor surgery, livelihood seminar, pati ang mga pari.
Bilang patuloy na paghahanda, ang 1901st Infantry Brigade na makikita sa Cebu, Oriental Negros, Bohol, at Siquijor kasama ang 7th RCDG sa ilalim ni Colonel Gerry Borja ay nakapagpadala ng mga 120 Reservists mula Mactan Cebu, sakay ng C-130 na eroplano patungo sa punong himpilan ng Army Reserve Command, Camp Riego de Dios, Tanza, Cavite sa ilalim ni M/General Bernie Langub para sa “War fighting Training”. Sa nagdaang buwan, nagkaroon ang Air Force, kasama ang 1901st Reservist ng karagdagang pagsasanay sa ‘Air to Ground Operations Training’. Pati mga sikat na artista ay pumasok na rin sa AFP Reservists, bilang kawal-serbisyo, sa kapayapaan, kaunlaran at kahandaan. Mabuhay!
-Erik Espina