SUKO na ba kayo?
Hindi na ba makaya ng powers nyo ang matinding trapik sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila?
Wala nang pinipiling oras ngayon ang trapik – rush hour man o hindi ay buhul-buhol ang mga sasakyan sa kalsada. Ayaw magbigayan, kanya kanyang diskarte upang mauna lang sa lahat.
Totoo nga’t disiplina ang kailangang pairalin sa kalsada upang maisaayos ang trapik.
Kahit ilang daang libo pang traffic aide ang ipakalat sa 26km kalsadang iyan ay hindi pa rin aayos ang daloy ng mga sasakyan dahil sa mga pasaway na driver, pedestrian at iba pang indibiduwal.
Ang tanging kumikita lamang sa kasagsagan ng trapik ay ang mga vendor na nagtitinda nang iba’t ibang kakanin sa EDSA. Nandyan ang mga kropek, nilagang saging, adobong mani, at siyempre, soft drinks na may kasama pang mga power drink na tiyak na kakailanganin ng mga driver.
At dahil mismong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang naglabas ng abiso na hindi pa man ‘ber’ months ay mararamdaman na ng mga motorista ang nakasusukang problema sa trapik, minarapat ng Philippine National Police (PNP) na umeksena na.
Sa kautusan ni PNP chief Police General Oscar Albayalde, muli na naman nating matatanaw sa EDSA ang isang katerbang Highway Patrol Group personnel na magmamando ng trapik.
Mismong ang bagong itinalagang PNP-HPG director Eliseo Cruz ang nagsabing muling babalik ang kanyang tauhan sa EDSA upang tumulong sa mga tauhan ng MMDA.
“Yan nga po ang sinasabi ng karamihan na mas maganda na may pulis dyan (sa EDSA) at major thoroughfares sa Metro Manila dahil sinasabi ngang ‘mas kinatatakutan’. Pero hindi naman dapat kami katakutan,” ani Cruz sa panayam sa radyo.
“Kaya ganun po ang directive sa amin na tulungan din ang MMDA sa pagmamando ng traffic,” dagdag niya.
Ganyan na talaga ata ang labanan ngayon – kailangan ng ‘takutan.’
Kung hindi magpapakita ng bangis ang mga awtoridad ay tila walang mangyayari sa buhay natin.
Ito ba ay patunay rin na hindi nirerespeto ng mga motorista ang mga MMDA traffic aide?
Kayo na ang sumagot sa katanungang iyan.
Samantala, tiniyak ni General Cruz na mahigpit ang kanyang tagubilin sa PNP-HPG na huwag mangotong.
Aniya, aktibo ang internal affairs ng kanyang unit upang tiktikan ang mga HPG personnel na sangkot sa pangongotong.
Sana nga, General Cruz, ay totoo yang pinagsasabi mo.
Kundi naman ay tuluyan na atang walang pag-asa ang bayang ito dahil hawa-hawa na sa bulok na sistema.
-Aris Ilagan