KAIBA ang pagdiriwang ngayong taon ng Araw ng mga Bayani dahil sa dalawang ulat hinggil sa ating mga pambansang bayani.
Isa ang isiniwalat ni Senador Imee Marcos na wala tayong opisyal na idineklarang pambansang bayani dahil wala namang batas ang ipinatutupad ngayon na ipinagtibay ng Kongreso. Ang huling panukalang batas ay nananatiling natabunan ng mga dokumento sa House of Representatives Committee on Laws mula noong 2017.
Ang isa pang balita ay patungkol naman sa inihaing panukala ni Deputy Speaker at Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel na magpapalit sa pangalan ng Camp General Aguinaldo, ang tanggapan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Quezon City, para maging Camp General Antonio Luna.
Tunay na nakadidismaya ang pagkakatuklas na wala tayong naiproklamang pambansang bayani. Sa mga nakalipas, tinuruan tayo sa mga paaralan tungkol kay Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, M.H. del Pilar, at iba pang katangi-tanging mga indibiduwal sa ating kasaysayan. Sa iba’t ibang panig ng bansa ay may mga nakatayong monumento para sa kanila. Ang mga bayan at kalsada ay isinusunod sa kanilang pangalan. Maging ang mga holiday na kumikilala sa kanila ay iprinoklama ng mga pangulo at inaprubahan ng Kongreso, ngunit wala palang opisyal na pagkilala sa kanila bilang mga pambansang bayani. Sa mga nakalipas, ani Senador Marcos, kinikilala lamang natin ang mga “implied horoes.”
Noong 1995, opisyal na inirekomenda ng Philippine National Heroes Commmittee ang ilang indibiduwal para sa opisyal na designasyon ng Pambansang Bayani. Natalo ang mungkahi sa mga debate ng maraming opisyal na nagsusulong ng rehiyonal na interes na hindi makapaglabas ng anumang kasunduan sa opisyal na listahan. Ang panukalang batas na magpoproklama kay Rizal ay inihain ni Bohol Representative Rene Relampagos noong 2014— na ngayo’y natabunan na sa mga dokumento ng House Committee on Revision of Laws.
Ang pagkabigo na magkasundo para sa opisyal na listahan ng mga pambansang bayani ay maaring dulot ng rehiyonalismo na nagiging balakid sa pambansang pagkakaisa sa lahat ng ating kasaysayan. Natagpuan ng mga Espanyol at mga Amerikano sa Pilipinas ang iba’t ibang tribo na naglalaban laban, sa halip na isang nasyon, marahil dahil pinaghihiwalay sila ng mga dagat at kabundukan.
Ang inilunsad ni Bonifacio na Rebolusyong Pilipino sa Tondo, Maynila noong 1896, ay nasapawan ng tagumpay ng militar ni Aguinaldo. Humantong ang kumpetisyon sa pagitan ng dalawang lider at ng kanilang mga tauhan sa pagkakapaslang kay Bonifacio ng mga kinilalang tauhan ni Aguinaldo noong Mayo 10, 1897, sa Maragondon, Cavite.
Sa sumunod na Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1902, nakikitang papausbong na lider si Heneral Luna ng Tondo, Maynila noong 1896, na gumagamit na taktika ng mga guerilla na kalaunan ay ginamit ng mga tanyag na lider ng mundo na sina Mao Tse-tung ng China at Ho Chi Minh ng Vietnam. Isang lubos na lider militar si Luna na tinitingala ng mga sundalong Amerikano na kanyang nakalaban, na tinawag pa ng isa bilang “the only general the Filipino army had” at isa pa na tumawag sa kanya bilang “the ablest and most aggressive leader of the Filipino republic.” Tulad ni Bonifacio, si Luna ay pinaniniwalaan ding pinaslang ng mga tauhan ni Aguinaldo, ngunit hindi ito nababanggit sa mga aklat natin sa kasaysayan, tanging mga paulit-ulit na kuwento lamang at pinakabago, ang pelikula tungkol sa isang batang heneral.
Ang mapait na bahaging ito ay binuksang muli, sa paghahain ni Deputy Speaker Pimentel ng panukala na magpapalit ng pangalan sa Camp Aguinaldo patungong Camp Luna. Tulad ng inasahan, agad itong tinutulan ni Cavite Representative Jesus Crispin Remulla.
Nagsisimula pa lamang ang bagong debate. Umaasa tayo na hindi ito hahantong sa higit pang pagkakahati ng mga tao.