KAKAIBANG programa ang inilunsad nitong Lunes sa isang barangay sa Mariveles, Bataan, ang paghuli ng mga lamok gamit ang mantika kapalit ng bigas bilang parte ng paglaban sa dengue.

Pinangalanan ang programa bilang “Dalawang-daang lamok kapalit isang kilong bigas” ni Kapitan Marcialito “Al” Balan.

Ito ay bilang pagsuporta sa kanilang search and destroy drive laban sa mga lamok na may dalang sakit na dengue.

“Unang-una pa rin ang paglilinis, pangalawa itong panghuhuli ng lamok. At least mababawasan ang lamok sa amin,” pahayag ni Balan.

Inihayag ni Balan na sa pamamagitan lamang ng pagwawasiwas sa pinggan o batya na may gamit na mantika ay madaling mahuhuli ang mga lamok.

Kapag nakolekta na ang mga nahuli, dalhin lamang sa barangay hall ang nahuling 200 lamok at maiuuwi mo na ang iyong isang kilong commercial rice.

Ayon kay Balan, iisang kaso lamang ng dengue ang naitala sa Alion, at ito ay nakuha pa sa ibang barangay.

Mayroong mahigit na 5,000 residente ang Alion.

“Sana suportahan ng lahat ang programa para patuloy na mawalan ng kaso ng dengue sa aming barangay,” dagdag pa ni Balan .

PNA