KINAPOS ang Team Philippines na makatuntong sa podium nang mabigo sa Myanmar, 3-0, sa battle for third place sa AFF Women’s Championship nitong Martes sa IPE Chonburi Stadium 1 sa Chonburi, Thailand.
Unang nakaiskor si Yee Yee Oo para sa Myanmar bago nasundan ng magkasunod na gola ni Nu Nu para selyuhan ang panalo at biguin ang Pionay booters na makasungkit ng medalya sa ika-10 edisyon ng torneo.
Sa kabila nito, ang fourth place ang pinakamatikas na pagtatapos na nagawa ng koponan sa kasaysayan ng liga. Pinangasiwan ang koponan ni Coach Marnelli Dimson.
Umusad ang Nationals sa Final Four matapos pumangalawa sa Group A matapos mabigo sa Vietnam, 1-2.
Umaasa ang tropa na mabibigyan ng magandang laban ang kampanya ng bansa sa 30th SEA Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre.
Tumapos ang Nationals sa ika-apat na puwesto sa 2017 SEAG edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.