Nadakip ng Makati City Police ang isang umano’y miyembro ng Urban Drug Gang sa ikinasang buy-bust operation, sa Makati City, kahapon ng gabi.
Nakakulong na sa detention cell ng pulisya ang suspek na kinilalang si Randy Decena, alyas “Randy,” nasa hustong gulang, self-employed, at residente sa No. 66757 Taylo Street, Barangay Pio Del Pilar, Makati City.
Sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Jeson Vigilla, laban sa suspek sa panulukan ng Taylo St. at Mckinley St., sa nasabing lungsod, dakong 8:30 ng gabi.
Binentahan umano ni Decena ng isang pakete na naglalaman ng shabu sa halagang P1,000 ang poseur-buyer sa lugar na sanhi ng agarang pagkakaaresto ng suspek.
Nasamsam mula sa suspek ang nasa 45 pakete ng ‘shabu’ na nagkakahalaga ng P25,000, P1,000 buy-bust money, isang cell phone at gold wallet.
Ayon sa pulisya, ang suspek ay may criminal record para sa kasong droga sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 135.
Nabatid na ang grupo ng suspek ang sinasabing kumikilos sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa iba’t ibang lugar sa Makati City.
Sasampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) si Decena sa Makati Prosecutor’s Office.
-Bella Gamotea