KAPWA aminado sina ex-PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, senador na, at ngayon ay PNP Chief Oscar Albayalde na sila’y tumanggap ng mga regalo sa mga tao, pero ang mga ito ay pagkain lang o T-shirt.
Sabi ni Albayalde: “Pagkain of course. I will not be a hypocrite, hindi ako ipokritong tao. Kumain din ako ng lechon.” Kinalabit ako ng sarkastikong kaibigan: “Buti hindi nagkaka-high blood sina Gen. Bato at Gen. Albayalde sa pagkain ng lechon.” Tugon ko naman: “Baka may iniinom na gamot o maintenance medicine.”
Bukod sa lechon, inamin ni Sen. Bato na siya’y tumanggap din ng mamahaling Lacoste t-shirt mula sa mga kaibigan. Hindi ba noon ay napaulat ding binigyan siya ni Manny Pacquiao ng libreng tiket para manood ng kanyang laban sa Las Vegas? Sinabi naman ni Albayalde na ang pagtanggap ng lechon at pagkain ay nangyayari kung may anibersaryo, birthday at Christmas Party.
Nang tanungin si Albayalde ng makukulit at mausisang mga reporter kung ano ang pinaka-expensive gift na tinanggap niya, hindi na raw niya matandaan sapagkat ang kanyang ginang ang bumibili ng mga bagay na kailangan niya. Naging medyo malilimutin yata si Gen. Albayalde, pero hindi bale, tapat naman siya sa kanyang ginang.
Noong Martes, nagbanta ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga pulis na huwag tumanggap ng mga regalo kapalit sa pagtupad ng tungkulin. Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, labag ito sa mga batas at oath of service. Batay sa anti-graft law o R.A. 3019, bawal sa mga kawani ng gobyerno ang tumanggap ng regalo kapalit ng serbisyo na naipagkaloob.
Ang exempted yata ay mga regalong maliliit lang ang halaga. Pero ayon kay Albayalde, ang problema sa batas ay hindi binanggit ang eksaktong halaga ng maliiit na regalo at kung ganoo kamahal o isang regalo na maituturing na isang suhol kung kaya hindi dapat tanggapin ng pulis.
Hindi sarado ang Malacañang sa mungkahi ni DILG Sec. Año na ibalik ang batas na nagki-criminalize sa subversion. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, wala pang posisyon si Pres. Rodrigo Roa Duterte tungkol dito. Kailangan pa raw repasuhin nang husto ang panukala kung ito ay makatutulong sa pagpigil sa umano’y recruitment ng New People’s Army sa mga kabataan.
Tutol naman ang ilang senador sa panukala ni Año sa restorasyon ng anti-subversion law. Sinabi nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Sen. Panfilo Lacson na ito ay paglabag sa basic constitutional rights, tulad ng kalayaan sa pagtitipon at asosasyon. Bukod kay Drilon at Lacson, tutol din si Sen. Grace Poe sa pagbabalik ng anti-subversion law.
Bukas ang pintuan sa 2022 presidential election ni Vice Pres. Leni Robredo bagamat sinabi niyang sa ngayon, hindi niya ito iniisip. “Kung tatanungin ninyo ako ngayon, wala akong plano pero hinahayaan kong bukas ang lahat.” Naniniwala si beautiful Leni na isang destiny ang maging pangulo. Sino nga naman ang maniniwala na ang simpleng maybahay na si Cory Aquino ay magiging pangulo at patatalsikin ang isang diktador noong 1986? Kung ganoon, posibleng si VP Leni ay maging Pangulo rin kung papalarin!
-Bert de Guzman