“MAHIRAP na proseso and ipaliwanag ang mga salita ng batas na may kalabuan sa kanyang mga probisyon. Pero, sa dulo, ang intensiyon at espiritu ng batas ang gagabay sa atin sa paggawa ng posisyon,” wika ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra sa pahayag na inisyu niya nito nakaraang Sabado.
Ang tinutukoy niya na batas ay ang Republic Act No. 10592 na nagbibigay ng good conduct time allowance (GCTA) sa mga preso na magpapaigsi sa kanilang sentensiya na magiging dahilan ng kanilang maagang paglaya. Napagtuunan ng pansin ang batas na ito sanhi ng balitang malapit nang lumaya si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na nahatulan ng pitong habang buhay na pagkabilanggo sa pagpatay at panggahasa kay Aileen Sarmenta at pagpatay kay Alan Gomez na pawang mag-aaral ng University of the Philippines Los Baños noong Hunyo 29, 1993. Ganoon naman pala na may kahirapang intindihin kaagad ang batas, bakit noong Martes ay kinumpirma na niya ang maagang paglaya ni Sanchez. “Talagang makalalaya na siya. Hindi ko lang alam kung gaano kaaga,” sabi niya. Ipinaliwanag pa niya ang magandang layunin ng batas at ang mga epekto nito. “May magandang layunin ang batas dahil kapag ang isang nasentensiyahan na at nais na lumaya ng maaga, siya ay magpapakabuti sa piitan. Ang ating mga kulungan ay luluwag,” sabi niya. Dagdag pa niya: “Sana maintindihan ng publiko na ang batas at and desisyon ng Korte Suprema ang nagpalaya sa kanya, hindi si Pangulong Rodrigo Duterte o kahit ako bilang Secretary of Justice.”
Sa ginawang ito ni Sec. Guevarra, testing the water na masasabi ang pagkumpirma niya at pagdepensa noong una sa maagang paglaya ni dating Mayor Sanchez. Mahirap paniwalaan na hindi alam ng Pangulo ang ikinilos ni Guevarra kahit sinabi ni Sen. Bong Go na galit ito at hindi niya ito sinasang-ayunan. Ang takot lang ni Guevarra na magpasiyang mag-isa sa napakaselang isyu na makakaapekto sa Pangulo. Ayan na nga at umani na ng matinding batikos at pagtutol ng publiko ang kanyang ginawa na naging sanhi ng kanyang pagkambiyo.
Masama ang epekto kapag itinanggi ng Pangulo na alam niya ang ginawa ni Guevarra. Nangangahulugan kasi na nakapagsasarili na ang opisyal na malapit sa kanya na magpasiya sa mga isyung napakahalaga sa sambayanan na pwedeng ikasama ng kanyang administrasyon. Lalakas ang pagdududa na siya pa ang may kontrol ng gobyerno gayong bihira na siyang makita ng publiko. Isa pa, bakit hindi ang Pangulo mismo ang magsabi sa publiko na hindi niya inaayunan ang sinabi ni Guevarra at laban siya sa maagang pagpapalaya kay Sanchez. Mahirap panaligan ito. Si Sen. Go lang ang nagsabi na sinabi ito ng Pangulo. Madali itong ipagkaila. Hindi dapat maging kampante ang publiko base sa mga nakaraang pangyayari.
-Ric Valmonte