BATANG Bedans naman ang magtatangkang maka-sweep sa pagtatapos ng first round elimination sa pagharap sa Mapua U ngayon sa NCAA Season 95 Men’s basketball tournament sa FilOil Flying V.

Sasagupain ng reigning three-peat titlist Red Lions ang Mapua University Cardinals sa ikalawang laro ganap na 2:00 ng hapon para sa hangad na masungkit ang ika-9 na sunod nilang panalo.

Matapos dominahin ang College of St. Benilde, 88-57, noong nakaraang Biyernes para sa ikawalong dikit nilang panalo, muling pinapaboran ang San Beda laban sa Mapua.

Gayunman, hindi pa rin maaaring maging kampante ang Red Lions lalo pa’t umangat na ang morale ng Cardinals pagkaraang magtala ng tatlong sunod na panalo matapos mabigo sa unang lima nilang laro.

Mauuna rito, magkukumahog na makabawi sa natamong kabiguan sa nakaraan nilang laban kontra Red Lions ang St.Benilde Blazers upang tumatag sa kapit nila sa ikalawang posisyon.

'I really love you kuya!' Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!

Hawak ang markang 5-2, itataya ng CSB ang pagkakaupo sa ikalawang puwesto kontra Letran sa kanilang pagtutuos ganap na 12:00 ngayong tanghali.

Inaasahang magiging maigting ang tapatan ng dalawang koponan dahil gaya ng Blazers, gusto ding bumawi at makabalik ng Knights sa win column matapos maungusan ng San Sebastian Stags sa nakaraan nilang laban,102-101, na nagbaba sa kanila sa kartadang 5-3.

Samantala, sa huling laban, unahan namang makapagtala ng back-to-back wins ang magkatunggaling Arellano University at San Sebastian sa kanilang salpukan ganap na 4:00 ng hapon.

Gaya ng Stags, wagi rin ang Chiefs noong Biyernes matapos ma-upset ang Lyceum of the Philippines University ,87-81.

-Marivic Awitan

Standings W L

San Beda 8 0

CSB 5 2

LPU 6 3

Letran 5 3

SSC-R 4 3

Mapua 3 5

JRU 3 5

Perpetual 3 6

Arellano 2 6

EAC 1 7

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Centre)

12 n.t. -- Letran vs St.Benilde (M)

2:00 n.h. -- San Beda vs Mapua (M)

4:00 n.h. -- Arellano vs San Sebastian (M)