HINDI pa man nakukuha ang tamang porma, kumbinsido si Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao na handa na si Kiefer Ravena sa National Team na sasabak sa 2019 FIBA World Cup.
Kabilang ang 24-anyos na si Ravena sa 12-man final line-up ng Gilas na isinumite ni Guiao sa organizers matapos ang dalawang exhibition game laban sa Australia Adelaide.
Kasama rin sa line-up ang dalawang dating NCAA standouts na sina Robert Bolick ng San Beda College at CJ Perez ng Lyceum of the Philippines.
Pinahanga ng dalawang dating NCAA standouts ang coaching staff ng national men’s basketball squad sa ipinakita nilang performance sa nakaraang training nila sa bansang Espanya.
Kasama nila na maglalaro sa ikalawang pagkakataon sa World Cup sina naturalized center Andray Blatche, team captain Gabe Norwood, Japeth Aguilar, Paul Lee at Junemar Fajardo.
Kukumpleto naman sa roster sina Troy Rosario, Marc Barroca, Roger Pogoy at Raymund Almazan.
Dahil sa iniinda nilang injury, hindi napasama sa team sina Matthew Wright at Poy Erram, habang nauna ng inalis ang injured ding si Marcio Lassiter.
Ngayong darating na Sabado na-(Agosto 31) magsisimula ang FIBA World Cup na gaganapin sa China.
Unang makakasagupa ng Gilas Pilipinas na gagabayan ni coach Yeng Guiao para sa group stage ang koponan ng Italy, susunod ang Serbia sa Lunes at panghuli ang Angola sa Miyerkules sa Foshan International Sports and Cultural Arena sa Foshan, China.
-Marivic Awitan