NAPAKALAYO sa atin ng Amazon rainforest, nasa kabilang bahagi ito ng mundo, na inihihiwalay sa atin ng Karagatang Pasipiko at sa kabilang bahagi ng mga kontinente ng Asya at Africa at ng Karagatang Atlantic, na maaari natin itong balewalain. Ngunit sa nangyayari ngayon—ang sumisiklab na sunog sa kagubatan—maari itong makaapekto sa buong mundo, kabilang dito sa ating bansa.
Walong buwan nang nananalasa ang sunog sa iba’t ibang bahagi ng Amazon rainforest, malaking bahagi sa Brazil ngunit may bahagi rin sa Paraguay at Bolivia. Ipinapakita ng mga imahe mula sa satellite ang mga usok na nagmumula sa forest fire na patuloy na lumalamon sa bahagi ng buong kontinente ng South America. Sinasabing ang bilang ngayon ng mga naitalang wildfire sa lugar ay 84 porsiyentong mas malala kumpara noong nakaraang taon.
Sa gabi ng idinadaos na summit ng Group of 7 (G7) na mga bansa sa France nitong nakaraang Linggo, tinawag ni French President Emmanuel Macron na isang ‘international crisis’ ang nagaganap na sunog sa Amazon at hinikayat na maisama ito sa agenda ng G7. Una nang nabanggit ng Germany at Norway ang tila kawalan ng aksiyon ng Brazil para labanan ang deforestation at nagdesisyong ipagpaliban muna ang $60 milyong na ilalaan sana para sa proyektong magpapanatili ng kagubatan sa Brazil.
Tinugon ni Brazil President Jair Bolsonario ang kanyang mga kritiko, at inakusahan si Macron ng pamumulitika. Inakusahan naman ng kanyang Chief of Staff ang mga bansa sa Europa na pinalalaki umano ang problema ng Brazil sa kalikasan. Ngunit, tila tugon sa lumalagong pangamba ng mundo, ipinag-utos nitong Biyernes ni Bolsonario ang pagpapadala ng militar ng kanyang bansa upang tumulong sa pag-aapula ng sunog.
Ang pangamba ng mundo sa sunog sa Amazon ay base sa takot na maapektuhan nito ang buhay sa mundo kung magpapatuloy ito. Inilalabas ng Amazon rainforest ang 20 porsiyento ng kabuuang oxygen sa mundo. Ang milyun-milyon nitong mga puno ay may kakayahang tumanggap at magproseso ng carbon dioxide na inilalabas ng mga industrita sa mundo at isinasalin upang maging oxygen.
Pinalalala ng industriyalisasyon ang carbon dioxide sa mundo, na nagdudulot ng pagtaas ng temperatura ng daigdig. Sinubukang resolbahin ang suliraning ito, ng mga bansa na nagpulong sa Paris noong 2015, kung saan bawat bansa ay nagsumite ng planong aksiyon upang makatulong na mabawasan ang produksiyon ng carbon dioxide na magdudulot ng pagpigil sa pagtaas ng temperatura ng daigdig na mas mababa sa 1.5 degree Celsius.
Nagsimula na ring matunaw ang malalaking tipak ng yelo sa bahagi ng polar region. Na bilang resulta ay nagpapataas ng lebel ng karagatan, nagbibigay banta sa mga mabababang isla, kabilang ang ilan sa Pilipinas. Ang init din nito ay lumilikha ng mas malalakas na mga bagyo na nagdudulot ng higit na pinsala sa ating mga isla.
Ang nagpapatuloy na sunog sa Amazon ay nakaaapekto rin sa klima ng mundo sa pamamagitan ng pagbawas ng oxygen na nailalabas ng mga puno sa kagubatan. Ang rainforest, na sumasakop sa 40 porsiyento ng kabuuang lupain ng South America, ay pinagmumulan din ng 25 porsiyento ng fresh water sa mundo. Tahanan din ito ng higit kalahati ng tinatayang 10 milyong uri ng halaman, hayop at insekto sa mundo.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga sa atin ang nagaganap na sunog sa Amazon. Maaaring nasa kabilang panig ito ng daigdig, ngunit kung magpapatuloy ito sa pagsira ng maraming puno, ang rainforest—na kalimitang tinatawag na “Lungs of the World”—ay hindi na makagagampan sa tungkulin nito na magbigay-buhay sa ating mundo.