MULING tinanggihan ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang nominasyon para sa puwesto ng Punong Mahistrado sa Korte Suprema. Kung matatandaan ninyo apat na beses nang na-bypass si Carpio sa pagka-SC Chief Justice.
Una, noong 2010 nang ma-impeach si Renato Corona at piliin ni ex-Pres. Noynoy Aquino ang batang-bata at baguhang SC Associate Justice na si Ma. Lourdes Sereno. Marami ang nagtaka kung bakit hindi si Carpio ang hinirang noon ni ex- PNoy dahil hinog na hinog si Corona para maging Punong Mahistrado ng Kataas-Taasang Hukuman
Maging ang mga miyembro ng SC noon ay parang hindi makapaniwala sa paghirang ni PNoy kay Sereno gayong maraming higit na senior sa kanya. Naisip ko noon na marahil ay gusto ng binatang Pangulo na maging kakaiba siya.
Na-bypass uli si Corona, pinsan ng may “balls” na si ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales, nang mapatalsik si Sereno noong 2012 dahil sa quo warranto initiative ng Office of the Solicitor General (OSG) at hindi sa pamamagitan ng impeachment.
Muli siyang na-bypass nang magretiro si Teresita de Castro bilang SC Chief Justice na siyang pumalit kay Sereno. Ang ika-4 na bypass ay nang hirangin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Lucas Bersamin. Noon ay tinanggap ni Carpio ang nominasyon sa paniniwalang tutuparin ni PRRD ang kanyang patakaran na ang pipiliin niya sa Korte Suprema ay iyong pinaka-senior member. Hindi ito nangyari dahil si Carpio ay mahigpit na kritiko ng Pangulo sa isyu ng West Philippine Sea.
Tatlong Mahistrado—sina SC Associate Justices Diosdado Peralta, Estela Perlas-Bernabe at Andres Reyes Jr.— ngayon ang mga kandidato sa pagka-SC Chief Justice. Tatlo namang Mahistrado— sina Carpio, Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa ang nag-decline sa nominasyon.
Ayon kay Carpio, hindi niya tinanggap ang nominasyon dahil sakaling siya ang hirangin ni PDu30 (na imposible raw mangyari sabi ng kaibigang sarkastiko), siya ay magsisilbi lang ng walong araw sa puwesto. Magreretiro siya sa edad na 70 sa Oktubre 26. Si Bersamin ay magreretiro sa Oktubre 18 na kanyang ika-70 taong gulang.
Bukod dito, naniniwala ang kaibigan kong palabaro-sarkastiko-pilosopo, ayaw daw marahil ni Carpio na masabing siya ay atat na atat na maging Punong Mahistrado at ipaalam sa ating Pangulo na hindi niya kailangan ang maupo bilang Chief Justice sapagkat puwede naman siyang maging isang mabuti at produktibong mamamayan kahit hindi siya mahirang.
oOo
Pinalakpakan at pinuri ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang direktiba ni PRRD na i-require sa mga dayuhang barko na kumuha ng permiso sa mga awtoridad ng Pilipinas bago makapaglayag sa dagat na saklaw ng ating bansa.
“Ito ay isang magandang development dahil ngayon ay meron na tayong awtoridad na ipatupad ang ating mga batas sa ating territorial waters.” Ipinahayag ito ni Lorenzana sa arrival ceremony ng BRP Conrado Yap, ang pinakabago at modernong barko ng Philippine Navy, galing sa South Korea. Maging si Sen. Panfilo Lacson ay pumuri sa ating Pangulo sa order na ito. “Way to go! The President deserves everybody’s support in regard to this guideline,” bulalas ni Lacson.
Kung susundin ang direktiba ng Pangulo, itataboy ng Philippine Navy ang ano mang dayuhang barko na maglalayag sa karagatan ng PH nang walang abiso o pahintulot. Tanong: “Papaano kung hindi ito sundin ng Chinese warships at maglayag din sa ating karagatan? Kaya ba silang itaboy ng ating PH vessels?”
-Bert de Guzman