DATI-RATI makatulo-laway ang gusali at bahay na napaliligiran ng mga closed-circuit television (CCTV) camera dahil sa sobrang mahal ang pagbili at pagpapakabit nito, bukod pa sa napakataas ng maintenance cost. Kaya nga noon ay itinuturing ito na luxury gadget at isang mabusising negosyo dahil sa malaking puhunan ang kailangan.
Ngunit sa maniwala kayo’t hindi – kahit na ‘yung mga nakatira sa barumbarong, basta may kuryente at malakas na signal ng Wi-Fi (wireless fidelity) sa paligid, p’wede nang maglagay ng CCTV dahil napakamura na lang nito ngayon.
Kahit paligiran pa ang buong bahay at bakuran ng natuklasan kong CCTV -- na nagkalat ngayon sa on-line tradersat mga wholesaler sa Quiapo, Baclaran, Binondo at Divisoria – ay magaan pa rin sa bulsa, napakadaling mai-install kahit saang lugar, at low maintenance cost pa.
Nagmumukhang mahal lang ang pagkakabit nito dahil hindi ninyo alam kung saan ito mabibili, paano ito ikakabit at paano gagamitin.
Ang dagdag na bonus pa rito – hindi na kailangang bumili pa ng computer at TV monitor dahil ang inyong gamit na smart cellphone lang ang kailangan upang makita at marinig ang nangyayari sa loob at labas ng bahay at opisina na malalagyan ng CCTV na ito.
Nakagugulat ba ang sinabi ko na maririnig n’yo? Ganito ‘yun -- may two-way radio rin kasi ang CCTV na maaaring marinig ang anumang tunog sa kinalalagyan nito, at mula naman sa smart cellphone mo na hawak ay p’wede kang magsalita na maririnig naman sa mismong CCTV.
Ito pa – ang sinasabi kong gadget ay hindi mukhang CCTV, bagkus isa lang itong animo ordinaryong bumbilya na may malamlam na ilaw sa gabi, na kaya mong i-ON at OFF sa pamamagitan lang ng smart cellphone na hawak mo. ‘Wag isnabin ang medyo mahinang liwanag nito, dahil may “infrared” ang gadget at kaya nitong gawing parang “daylight” ang buong kapaligiran na matatanglawan ng liwanag na galing dito.
Maire-record din nito ang lahat ng insidenteng gusto mong mai-save sa memory card (micro SD) na hanggang 64 GB (giga bytes). Ngunit kung kaya ng budget mo, puwedeng mag-subscribe ng monthly sa “cloud” na naka-specify sa cellphone application na v380Pro na maida-download ng libre, at kayang gamitin sa 10 CCTV na ikakabit mo sa iba’t ibang lugar. Kailangan lang ay malakas ang WiFi sa lugar, at ang smart phone mo naman ay dapat palaging naka-data rin kapag gagamitin na sa pag-monitor sa CCTV.
Ang pangalan ng gadget ay 360 Degree Panoramic Camera. Mukhang bumbilya lang ang hitsura nito, at ang presyo – mula P670 hanggang P1,500 sa online. Sa mga wholesaler naman ay P780 ang pinakamababang presyo na nakuha ko. Basta sundin ninyo lang ang instruction sa brochure na kasama ng CCTV ay hindi kayo maliligaw sa paggamit nito. Napakadali at napaka-simple lang.
Konting ingat nga lang sa pagbili on-line dahil marami pa rin ang mga scammer at mapagsamantala, na pera lang ninyo ang tinatarget ngunit wala namang maipapa-deliver. Basta ang safest pa rin sa pagbili online ay COD palagi.
Bago ko makalimutan, hindi talaga halatang CCTV ang bumbilya, kaya maraming patagong action na makukuha rito, lalo na kapag mga krimen, na makatutulong sa imbestigasyon ng mga pulis.
‘Yun lang, paalala ng kaibigan kong beteranong imbestigador, ang mga video ng CCTV ay malaking tulong sa pag-iimbestiga ng pulis, ngunit hindi basta-basta maaaring gamitin na ebidensiya sa korte dahil maaaring magba-violate ito sa “right to privacy” ng taong nabidyuhan. Ito ‘yung doktrina na sinasabi niyang: “The fruit of the poisonous tree”.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.