NITONG nakaraang Martes, kinumpirma ni Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra na makawawala na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa lalong madaling panahon. Nabiyayaan daw siya ng Republic Act No. 10592 na nagdadagdag ng time allowances for good conduct para sa mga preso, kaya mababawasan ang kanyang sentensiya. Eh hinatulan si Sanchez ng pitong habambuhay na pagkabilanggo o 40 na taon bawat isa sa salang panghahalay at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay kay Alan Gomez, kapwa estudyante ng Univeristy of the Philippines Los Banos, noong Marso 11, 1995.
“Lahat ng sakit at dusa na nadama ko noon pagkatapos kong malaman ang brutal na pagpatay sa aking anak ay mabilis na bumalik nang mabalitaan ko naman na makalalaya na si Sanchez. Bilang ina ng biktima, umiyak ako at masyado akong nalungkot,” wika ni Clara Sarmenta. Ang mga pamilya ng mga biktima, aniya, ay hindi intresado sa anumang makokolekta na damages kay Sanchez. Sabi kasi ni Justice Secretary Guevarra: “Totoo, mamasamain ng pamilya ng mga biktima (ang paglaya ni Sanchez) pero, ibang bagay ito, civil liability na ito. Hindi na natin pag-uusapan dito ang criminal liability.”
Ayon din kay Sec. Guevarra, sinabi ni Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon na may mga 200 prisoner ang mapalalaya bawat araw. “Kapag sila ay pinalaya dahil napagsilbihan na nila ang pinababang hatol sa kanila, mabuti para sa kanila. Ang pinababang sentensiya ay gantimpla para sa good conduct at walang ibang dahilan. Umaasa ako na maiintindihan ng publiko na ang batas at desisyon ng Korte Suprema ang nagpalaya sa kanila at hindi si Pangulong Rodrigo Duterte o ako bilang Secretary of Justice,” wika pa ni Guevarra.
Kumambiyo na si Guevarra. Nitong Huwebes, hindi raw kuwalipikado si Sanchez na matamasa ang benepisyo ng batas na nagbabawas ng sentensiya dahil sa good conduct. Lahat, aniya, na pinanagot ng karumaldumal na krimen ay hindi sakop ng batas. Ganito na rin ang posisyon ni Faeldon. Sa viber message ni Sen. Bong Go nitong Biyernes sa mga mamamahayag, sinabi niya na hindi sumasang-ayon ang Pangulo na mapalaya si Sanchez. Galit, aniya, ang Pangulo. Nahuli kaya ang reaksiyong ito ng Pangulo o nahuli lamang siya na ipaalam ito sa publiko? Maaari kasing sinabihan na niya muna si Sec. Guevarra kaya ito kumambiyo nang mawari na niyang matindi ang pagtutol ng publiko. Higit akong naniniwala sa sinabi ni Sen. Leila de Lima na ang pag-anunsiyo ni Sec. Guevarra hinggil sa maagang paglaya ni Sanchez ay trial balloon na dagling pumutok nang magalit ang mamamayan. Sinubok muna ni Guevarra na damahin ang damdamin ng taumbayan ukol sa maagang paglaya ng dating alkalde, kaya maigi niyang inilahad ang kanyang katwirang legal sa pagdedepensa nito.
Kung ano ang dahilan para bigyan si dating mayor Sanchez, tanging sina Guevarra at naging abogado ni mayor na si Presidential Spokesperson Salvador Panelo lang ang nakakaalam. Pero ang maliwanag dito, kumurap ang Pangulo nang kumprontahin ng publiko ang desisyon ng kanyang mga tauhan na palayain ang mayor .
-Ric Valmonte