NATIGILAN at natawa si Ion Perez, si Kuya Escort, sa diretsong tanong namin kung gaano niya kamahal si Vice Ganda sa ginanap na storycon ng Mang Kepweng, Hiwaga ng Bandanang Itim na pagbibidahan ni Vhong Navarro.

Ion

“Mahal ko po siya as a friend. Sobrang mahal!” sagot ng binata.

Dagdag pa, “sobrang close lang po talaga kami ni Meme (tawag niya kay Vice) kaya akala po ng ibang tao na kami, sobrang close lang po.”

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Walang isyu kay Ion kung i-link siya kay Vice, “alam ko naman po (ang totoo). Saka ‘yung tao walang masamang ginagawa, sobrang bait po niya, saka sino ba naman ako para mag-react (ng todo).”

Ang Cineko Producer ang pumili kay Ion na mapasama sa pelikulang Mang Kepweng, Hiwaga ng Bandang Itim kaya tinanong namin si Vice bilang adviser ni kuya Escort kung okay sa kanya.

“Nag-usap na kami ni Vhong, okay na,” ito ang sagot sa amin ng TV host. At ibinigay na nga niya ang contact person na may hawak ng schedule ni Ion.

Habang ginaganap ang storycon ay nakikinig si Ion sa bawat karakter na ikinukuwento ng writer ng pelikula kaya nang maka-tsikahan namin siya kasama ang ibang bloggers at TV Patrol reporter na si MJ Felipe, ay sobrang nerbyos at saya niya dahil unang pelikula raw niya ito at hindi siya makapaniwala.

Nang tanungin nga raw siya ni Vhong na kasama siya, ay sinagot niya si Vhong na si Vice ang tanungin kasi wala pa naman siyang alam sa mga ganitong bagay.

Nabanggit din ni Ion na may cameo role siya sa pelikula ni Vice na pang-Metro Manila Film Festival (MMFF) 2019 kaya hindi niya maiko-consider na unang pelikula niya ito.

“May part daw po ako sa movie ni Vice, ganu’n po. Nasabihan na po ako na ganu’n po,” pahayag ng binata.

Napansin namin na ang lamig ng aircon sa Cornerstone Studios kung pero pinagpapawisan si Ion habang tinatanong siya tungkol kay Vice.

“Ganu’n po talaga ako, kahit po sa ‘Showtime’, sobrang lamig po sa studio. Pawisin po talaga ako. Saka lahat po ng interview kinakabahan ako, hindi naman po nawawala ‘yun. Kasi mahiyain po ako. Kapag nasa harap ako ng camera, kinakabahan po talaga ako. Nandoon pa rin po ‘yung pagka-probinsyano (Concepcion, Tarlac) ko na laging mahiyain.”

Tinanong namin ulit si Ion kung uwian siya ng Tarlac dahil malayo iyon bukod pa sa trapik.

“Ay hindi po! May sarili po akong (tirahan), dito sa (condo building),” sambit nito.

May nagbiro sa paligid ng, “kina Vice raw, joke.”

“Ay hindi po!” tugon ni Ion.

Pero nakapunta na siya sa bahay nina Vice?

“Nakapasyal na po kami, kasama ko ‘yung mga staff (Showtime).”

Inamin din niyang nakadalaw na si Vice sa pamilya ni Ion sa Tarlac. “Pumasyal po last week kasi bago siya pumunta ng Baguio dumaan po. Gusto pong makita ‘yung pamilya ko at pamangkin ko. Okay naman po (relasyon) pagtanggap nila kay Vice. Close na rin naman po sila.”

At dahil unang sabak sa pag-arte ni Ion sa Mang Kepweng ay pinayuhan siya ng kanyang mentor ng, “i-enjoy ko lang daw po, act naturally.”

Hindi pa dumaan sa workshop si Ion pero parati siyang sinasabak sa aktingan sa Showtime, “parang ‘yun na po ang workshop ko. Mga biglaan po ‘yon,” pahayag ng binata.

Anyway, mahaba ang exposure ni Ion sa Mang Kepweng, Hiwaga ng Bandang Itim dahil isa siya sa sidekick ni Vhong kaya lagi silang magkasama.

Samantala, hindi isusumite bilang finish film ang MK sa MMFF kaya sa mga nagtatanong kung makakatapat nina Ion at Vhong si Vice ay hindi mangyayari, dahil nanaig ang respeto nila sa isa’t isa bilang magkakaibigan at magkasama sa It’s Showtime.

Ang pelikula ay mula sa direksyon ni Topel Lee at bukod kay Ion ay kasama rin sina Bayani Agbayani, Fumiya at Yamyam, Barbie Imperial, Ryan Bang, Joross Gamboa, Jacklyn Jose at marami pang iba.

-REGGEE BONOAN