MAGBUBUKAS sa pamamagitan ng award-winning French film na (BPM) Beats Per Minute ni Robin Campillo ang CineSpectra 2019 Short Film Festival na patatakbuhin ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at ng EON Foundation na gaganapin ngayong Agosto 26 sa Trinoma.

BPM

Sa pakikipagtulungan ng LoveYourself Inc., hangad ng Festival na palaganapin ang kamalayan ng mga manonood tungkol sa HIV at AIDS.Historical drama ang BPM (Beats Per Minute) tungkol sa AIDS-activism group na ACT UP sa Paris na sinubaybayan noong early 1990s. Nagkaroon ng world premiere sa 2017 Cannes Film Festival at nanalo ng Grand Prix, ang pangalawa sa pinakaprestihiyosong karangalan sa Cannes, tampok sa pelikula sina Nahuel Pérez Biscayart, Arnaud Valois, at Adèle Haenel.

May tema ngayong taon na “Your Judgment, Their Life” ang CineSpectra ngayong taon sa layong mas mabigyan ng pansin ang HIV at AIDS sa Pilipinas at magkaroon ng pagkakataon para marinig ang iba’t ibang boses sa komunidad.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Bukod sa BPM (Beats per Minute), libre ring mapapanood ang sampung CineSpectra competing short films at iWant advocacy film na Mga Batang Poz ni Chris Martinez. Hangad ng creators ng mga nasabing pelikula na mas maunawaan ng viewers ang HIV at AIDS sa bansa at ang epekto nito sa lipunan.

Magkakaroon ng panel discussion tungkol sa role ng pelikula sa adbokasiya kasama ng key organizations at individuals.

Ang film screenings ng BPM (Beats per Minute) ay libre at bukas sa publiko sa una’t pangalawang araw ng CineSpectra 2019 sa Agosto 26 ng 1:00 PM at sa Agosto 27 ng 1:30 PM sa Cinema 6 ng Trinoma Mall sa Quezon City.

-DINDO M. BALARES