ISA ang The Panti Sisters sa trailers na ipinapakita sa mga sinehan bago isalang sa projector ang blockbuster na Hello, Love, Goodbye.
Nakapuntos na agad sila rito, may chance na balikan sila ng moviegoers na tawa nang tawa kina Martin del Rosario, Christian Bables at Paolo Ballesteros.
Mula sa Black Sheep at The IdeaFirst company at sa direksiyon ni Jun Robles Lana, unang pagsasama-sama ito nina Martin, Christian at Paolo sa pelikula.
Malakas ang traction ng audience sa premise ng istorya ng The Panti Sisters tungkol sa unconventional na pamilya na may tatlong magkakapatid na beki.
Palibhasa’y pawang nakatrabaho na ni Direk Jun sina Martin (Born Beautiful), Christian (Signal Rock), at Paolo (Die Beautiful), kitang-kita sa resulta na enjoy sila habang ginagawa ang pelikula. Hilarious ang approach sa kakaibang family comedy na kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2019 (PPP3).
Kasama ang Open, isa pang entry ng Black Sheep sa PPP3 partner naman ang Quantum Films, hangad ng Team Panti Sisters na maikuwento ang anyo at pagkatao ng makabagong Pilipino bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-100 anibersaryo ng Pelikulang Pilipino.
Simula nang ipahayag noong Marso bilang isa sa tatlong napiling screenplays ang The Panti Sisters, nakasubaybay na ang movie buffs sa updates tungkol sa proyekto.
Magkakapatid na bading sina Daniel (Martin), Samuel (Christian), at Gabriel (Paolo), na pinauwi ng mayamang ama (John Arcilla) na may malubhang sakit. Nawindang sila nang alukin ng ama ng milyones na mana sa isang kondisyon -- kailangang magkaroon sila ng tig-iisang anak.
Matagal nang nagkanya-kanyang landas ang kanilang pamilya pero muling mabubuo at magsasama-sama ang tatlo sa kanilang mansion habang tinutupad ang kagustuhan ng kanilang ama na palaganapin ang angkan ng Panti.
Kakalimutan muna ng magkakapatid ang kanilang mga sigalot upang lubusang malaman ang mga katangiang tinataglay isang tunay na Panti.
Sa kuwento tungkol sa acceptance, respeto at pagmamahal sa sariling pagkatao, malalaman nila ang tunay na kahulugan ng pamilya.
Kasama rin sina Carmi Martin, Rosanna Roces, Roxanne Barcelo, at Joross Gamboa, mapapanood ang The Panti Sisters sa mga sinehan simula Setyembre 13.
-DINDO M. BALARES