ISA sa mga malalaking kaso na nagpabalik sa paniniwala ko na may hustisya pa rin para sa mga kapuspalad dito sa ating bansa, ay ang pagkakasintensiya ng habambuhay na pagkakakulong kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez, dahil sa kasong double murder at rape noong 1993, sa magkasintahang Eileen Sarmenta at Allan Gomez, kapwa estudyante ng University of the Philippines (UP) sa Los Baños, Laguna.
Buo na sana ang tiwala ko sa ating hudikatura simula pa noon, ngunit bigla ulit itong lumabo – mas madilim pa sa tinta ng pusit – nang ipahayag ng pamunuan ng Department of Justice (DoJ) na maaaring makasama ang rapist na si Mayor Sanchez, sa halos
11,000 na mga convict na palalayain sa mga susunod na araw dahil sa ipinakita nilang pagbabago o kabaitan sa loob ng kulungan.
Lokohin ninyo ang mga lelong n’yo, ‘wag naman kaming dati nang hilo sa mga panggugulang at panloloko ng mga taong gobyerno!
Si Mayor Sanchez na walang awang pinatay si Eileen matapos niya itong gahasain at sa pagpatay sa BF niyang si Allan -- natatandaan ko na hindi man lang kinakitaan ng pagsisisi hanggang sa araw na mahatulan ito ng korte noong 1995. Ang pamosong mga salita na paulit-ulit na naririnig sa kanya ay: “’ala akong alam ‘diyan!”
May limang taon na siyang nakakulong sa National Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa, nang masakote naman siya sa pagtutulak ng ilegal na droga sa loob mismo ng kulungan. Ang nakumpiska sa kanya ay P1.5 milyon na shabu na itinago niya sa katawan ng rebulto ni Virgin Mary.
Rapist na, killer pa, at naging drug lord pa sa loob pa man din ng NBP. ‘Tas ngayon biglang-bigla, magiging eligible sa pardon o parole, dangan kasi raw, nagpakita na ito ng malaking pagbabago at kabaitan nitong mga nakaraang taon. Mga neknek n’yo! Sino kaya sa inyo ang kumita rito?
Ayon kay DoJ secretary Menardo I. Guevarra, si Mayor Sanchez ay kasama sa mga nakinabang sa ruling ng Supreme Court (SC) – ang “retroactive application of the number of days credited to prisoners for their good-conduct time allowance (GCTA); study, teaching, and mentoring service; and loyalty.”
“He (Sanchez) is not the only one involved here but also thousands under detention, persons deprived of liberty. So many prisoners’ good-conduct time allowances would be subjected to recomputation. Maybe one after the other they would be released,” ani Guevarra.
Dito biglang bumulwak ang galit ng mga nananahimik ng kamag-anak ng biktima ni Mayor Sanchez. Naka move-on na nga naman sila, ngunit heto, biglang nagulo ulit dahil sa balitang ito na – lalaya na si Mayor Sanchez!
Wala man lang kasing pasabi ang DoJ na lalaya na si Mayor Sanchez para agad silang nakakilos upang harangin at pigilin ang napipintong paglabas nito sa NBP.
Ani Ginang Maria Clara Sarmenta: “Hindi pa po kami nakapag-consult sa lawyer but what we’re planning to do is go to the Board of Pardons and Parole tomorrow, bring a letter of appeal para hindi matuloy ang sinasabi nila na makalaya si Sanchez, based on this, na hindi naman kami na-inform.”
Iwas-pusoy naman agad ang Malacañang sa balita – subalit kapansin-pansin ang ‘tila kakaibang ngisi ni spokesman Salvador Panelo, na isa sa mga naging abogado ni Mayor Sanchez noong kainitan ng kaso.
Ang mabilis niyang kambiyo sa mga pasaring: “Mukhang masyadong malayo naman ‘yun. Twenty-seven years ago pa akong abogado noon dati, nag-withdraw na ako. Even before the appeal nag-withdraw na ako.”
Dagdag pa niya: “As a lawyer, I wish him well. Pareho rin ng lahat ng abogado na may mga kliyenteng nakulong pagkatapos na-release. Siyempre, you’ll be happy for them na may bago na silang buhay after the release.”
Sobrang ang gagaling ng mga may pakana nito – kunin na sana kayo ni Lord!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.