PUMANAW si Sec. Gina Lopez nito lang Agosto 19. Lumisan siya mismo sa araw ng kapanganakan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon. Dalawang araw naman pagkatapos paslangin si dating Senador Ninoy Aquino, 36 na taon na ang nakararaan.
Itinadhana ito upang lubusang makintal sa isipan ng sambayanang Pilipino na may isa na namang tao ang naglaan ng kanyang buhay sa paglilingkod sa kanila. Taos-puso niyang ginawa ito nang walang pagpapanggap at hindi nangangailangan ng kapalit maliban sa ikakabuti ng kanyang kapwa. Nagmula siya sa marangya at higit na nakaririwasang pamilya, kaya lang, hindi siya lubusang maligaya na nabubuhay sa kasaganaan, habang sa kanyang paligid ay nagdudumilat ang kahirapang kinasasadlakan ng kanyang kapwa. Masidhi ang kanyang pagnanais na maiahon sila sa kanilang kinalalagyan.
Iniwan niya ang komportableng buhay at nagtungo siya sa mga pinakamahirap at napapabayaang bahagi ng mundo. Dito niya ipinadama ang pag-ibig at pagmamahal ng isang tao sa mga higit na nangangailangan ng pagkalinga. Inaruga niya at tinulungan ang mga batang gutom at may sakit na parang kanyang mga anak. Nang magpasiya na siyang manatili sa kanyang bansa, patuloy niyang ipinursige ang kanyang mga adhikain, kabilang na rito ang pagbibigay ng proteksyon sa mga inabusong kababaihan at kabataan.
“Hindi ka makapagsasalita hinggil sa mga bata, kung walang pagibig,” wika niya. Nakiisa siya sa mga komunidad para itaguyod ang mga programang pangkabuhayan habang pinangangalagaan niya ang kanilang mga likas-yaman. Marubdob niyang ipinagtanggol ang kalikasan at kapaligiran laban sa pananalasa ng mga sakim na ang tanging hangarin ay makinabang dito at ‘di alintana ang ikapipinsala nito sa mga mamamayan at bayan.
Hinirang si Lopez ni Pangulong Duterte na Secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa maikling panahon ng kanyang paninilbihan, nakasagupa niya ang mga naninira ng kapaligiran sa pamamagitan ng pagmimina. Nakatagpo ang mga ito ng kanilang mga kakampi sa loob mismo ng gobyerno. Pero hindi siya natigatig. Gamit ang isip at puso, ipinagtanggol niya ang kanyang mga adhikain kabilang na rito ang pagsasara sa mga minahang hindi sumusunod sa mga patakarang nangangalaga sa kapaligiran. Kaya para sa akin, ginawa lamang ni Pangulong Duterte si Gina na palamuti ng kanyang gobyerno. Pero hindi nanghinawa si Gina sa pagpupursige ng kanyang mga adbokasiya tulad ng pagtataguyod ng mga programa na magpapaganda at magpapabuti sa kapaligiran.
Tunay na mandirigma si Gina. Ganito rin ang layunin ng mga babaeng estudyante na namamatay sa engkuwentro. Batang-bata pa sila at iniwan din nila ang komportableng silid ng paaralan nang masabak sa labanan. Ang ipinaglalaban nila ay iyong sistemang humadlang kay Gina para magamit sana ni Gina ang gobyerno para sa kapakanan ng lahat. Ito ang lalabanan ng mga estudyante na ang tingin ng mga nasa gobyerno, ay mga terorista o kaalyado ng mga komunista. Pero sa totoo lang, sila ang mga ito.
-Ric Valmonte