TAONG 1957 nang pagtibayin ang Anti-Subversion Law, Republic Act 1700—sa gitna ng rebelyon ng New People’s Army (NPA)—kung saan itinuturing na krimen ang maging miyembro ng Communist Party of the Philippines (CCP). Noong 1976, naglabas si Pangulong Marcos ng Presidential Decree 885 na nagpapalawak ng ban sa mga grupo, kabilang ang “organized for the purpose of overthrowing the government.”
Matapos magbigay daan ang 1986 People Power Revolution sa pagwawakas ng administrasyong Marcos at pagkahalal ni Pangulong Corazon Aquino noong 1987, naglabas siya ng Executive Order 167 na nagpawalang-bisa sa kautusan ni Marcos. Sa kaparehong taon, isang bagong Konstitusyon—ang kasalukuyang mayroon tayo—ang naratipika. Naglalaman ito ng Artikulo 2, Seksyon 4, na nagsasaad na: “No law shall passed abridging the freedom of speech, of expression, or the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.” Tuluyang napawalang-bisa ang Anti-Subversion Law sa Kongreso nang ipasa ang RA 7636 noong 1992.
Inihalal si Pangulong Ramos noong 1995 at nagsimula ang usapang pangkapayapaan kasama ang National Democratic Front (NDF) ng Communist Party of the Philippines (CPP). Nagdaos ng sariling usapan si Pangulong Arroyo sa CPP ngunit walang malaking pagsulong na nakamit. Sa pagsisimula ng panunungkulan ni Pangulong Duterte noong 2016, agad niyang inilunsad ang usapan kasama ang CPP, na nakakamit ng malaking pagsulong—hanggang sa maputol ito dahil sa patuloy na mga pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa mga bulubunduking bahagi ng bansa.
Nitong nakaraang Linggo, muling naging laman ng mga balita ang Anti-Subversion Law, nang manawagan si Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa muling pagpapatupad ng Anti-Subversion Law upang mapigilan, aniya, ang panghihikayat ng mga makakaliwang grupo sa mga kabataan, na ang ilan umano ay umanib sa samahan ng NPA sa mga bundok.
Nakatanggap ang mungkahi ng malaking pagkontra sa mga politikal na lider ng bansa, kabilang sina Senador Franklin Drilon at Panfilo Lacson. “The anti-subversion law was buried a long time ago for it was proven that such a policy, aside from being prone to abuse and a tool to harass, undermined some of our basic constitutional rights,” ani Drilon.
Sa maraming bansa sa mundo, isinuko ng mga Komunistang Partido ang armadong rebelyon bilang paraan upang makamit ang hangarin pabor sa politikal na pakikilahok. Sa bansa natin sa kasalukuyan, hindi itinuturing na ilegal ang mga miyembro sa mga partido at kaalyado nitong organisasyon. Ang ilegal ay ang rebelyon at terorismo, ang paggamit ng mga armas sa pagsalakay sa mga liblib na lugar sa bansa.
Dapat na paigtingin pa ng pamahalaan ang pagsisikap nito upang mawakasan ang rebelyon ng NPA, na nasa 70 taon nang nagaganap. Ngunit ang suporta at ang pagiging miyembro ng mga organisasyong tulad ng Bayan Muna at Kabataan Party-list, tulad ng binigyang-diin ni Senador Lacson, ay dapat tanggapin bilang paglalarawan ng politikal na tindig na isang karapatang protektado ng Konstitusyon.