PANIBAGONG diplomatic protest laban sa China ang inihain ng Pilipinas kasunod ng mga ulat sa paulit-ulit na intrusions o paglalayag nang walang abiso ng Chinese warships sa karagatan na saklaw ng ating bansa.
Ganito ang pahayag ng Ingliserong Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas na si Teodoro Locsin Jr.: “Fire diplomatic protest over Chinese crap; say it is ours period; they’re trespassing.” Bravo, bravo Ginoong Locsin. Sana ay ganito rin daw ang attitude ni Pres. Rodrigo Roa Duterte.
Sa kanyang tweet sa Department of Foreign Affairs’ Office of Asia and Pacific, sinabi ni Teddy Boy Locsin na sapat na ang pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana para makumbinse siya na talagang dapat magsampa ng protesta sa paulit-ulit na paglalayag ng mga barkong-pandigma ng dambuhala.
Sa wikang Ingles uli na paboritong lengguwahe ni Locsin na hirap magsalita sa Tagalog, sinabi niya: “If we did it already, fire another. We won’t run out, and don’t wait for formal intel. This is the Secretary of National Defense no less, Fire at will.” Bravo, bravo ulit Sec. Teddy Boy Locsin. Ayon kay Lorenzana, ang ginagawa ng China sa West Philippine Sea (WPS) ay nagsisilbing “irritant” ng PH at China.
Sinabi naman ni Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Cirilo Sobejana na tatlong beses pang naglayag nang walang paalam sa PH authority ang mga barkong-pandigma ng China sa Sibutu Strait, Tawi-Tawi. Noong Pebrero at Hulyo, namataan din ang mga Chinese warship sa Sibutu na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Nagtataka si Lorenzana kung bakit naglalayag ang mga barko sa dagat na ito na hindi bahagi ng WPS. Ano raw ang ginagawa ng mga ito roon?
Nagpakita na sa publiko ang ating Pangulo matapos maglaho ng mahigit isang linggo. Dahil hindi lumilitaw si PRRD sa publiko, itong si presidential spokesman Salvador Panelo ang laging nagsasalita para sa Malacañang.
Ayon kay Spox Panelo, malusog ang Pangulo, marami lang ginagawa. Ayon sa kanya, welcome sa Malacañang ang pagsasampa ng diplomatic protest ni Sec. Locsin. Tinawag pa ito ni Panelo na “legitimate concern.” “Kahit ano man ang aksiyon ng Secretary of Foreign Affairs tungkol sa isyu sa China, maliban na lang kung may ibang policy statement ang Pangulo, ito ang patakaran ng Office of the President na susundin.”
Noong Martes, may balitang hinamon ng Malacañang ang Vera Files na patunayang tumanggap si PDu30 ng milyun-milyong piso bilang regalo o gifts. Sa report ng Vera Files, pito raw deposito na mahigit sa P193 milyon ang inilagay sa joint bank account ni Mano Digong at ng anak na si Davao City Mayor Sara Duterte noong ika-69 na taong kaarawan niya.
Mahigpit na itinanggi ito ng Malacañang sa pagsasabing lahat ng gifts sa Pangulo ay ibinibigay niya sa Office of the President. Samakatwid, ang gobyerno ng Pilipinas ang tumanggap ng regalo, hindi siya, hindi niya personal. Sinabi ni Spox Panelo na dapat patunayan ito ng Vera Files. “Kung wala kang ebidensiya, tumigil ka dahil naninira ka ng mga tao.”
-Bert de Guzman