KABILANG ang Filipino-American rapper, singer, producer at miyembro ng pamosong Black Eyed Peas na si Apl.de.ap sa mga celebrity na nagbigay ng suporta para masiguro ang tagumpay ng 30th South East Asian Games hosting sa Nobyembre.
Lumagda sa memorandum of agreement (MOA) ang premyadong singer kasama sina Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino, kinatawan ng PHISGOC, at Philippine Sports Commission (PSC) nitong Martes sa North Lounge Extension, House of Representatives.
Bahagi ng kontribusyon ng singer ang pagawit sa opening ceremonies ng biennial meet sa Philippine Arena, ngunit iginiit na isasama niya ang buong tropa ng Black Eyed Peas sa closing event sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
“We would like to express special thank you to Apl.de. ap who has become an inspiration to many,” pahayag ni PHISGOC Chair at House Speaker Alan Cayetano.
Ayon kay Cayetano ang buhay ni Apl.de.ap ay isang inspirasyon sa sambayanan.
“We appreciate Apl.de.ap’s commitment to show his unequivocal support to ensure the success of the SEA games,” aniya.
Isang malaking karangalan, ayon kay Apl.de.ap ang maging bahagi ng pagdiriwang para sa tagumpay ng Pinoy sa SEA Games.
“I wouldn’t miss it for the world,” ayon kay Apl.de.ap.