NAGLALAKAD ako sa Quezon Blvd, sa Quiapo, Maynila eksaktong 36 na taon na ngayon ang nakararaan, nang paulit-ulit kong maulinigan sa halos lahat ng taong aking makasalubong at madaanan na nag-uusap na mga vendor sa bangketa— patay na si “Ninoy”.
Sa loob-loob ko, eh ano ngayon kung patay na siya? Hindi kasi agad nakuha ng kokote ko— na sobrang babaw ang alam sa kuwentong pampulitika sa ating bansa— na ang mainit na balita pala ng mga oras na iyon ay ang pagkakapaslang sa opposition leader na si Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr., habang ito ay pababa ng eroplano sa tarmac ng noon ay Manila International Airport.
Nang luminaw na sa akin na ang kuwento pala ay hinggil sa assassination ng isang nirerespetong pinuno ng oposisyon, na si “Ninoy” nga – noon pa lamang uminit ang aking dugo. Agad kasi akong nakaramdam na may malalaking “police related” news coverage na magaganap para sa katulad ko na nabatos lang, ngunit die-hard police reporter naman.
Noong panahon kasing iyon – sa tingin ko lang ha – mas siga at matitikas ang mga police reporter kumpara sa mga political writer, dahil mas malalaki ang play up ng mga balita hinggil sa krimen. Kaya nga ang mga sikat noon at kilalang-kilala ay ang mga crime reporter na gaya nina Ruther Batuigas, Max Buan, Gus Sta Ana, Mike Baluyot, Lino Sambo, Alex Fernando, at mga kolumnistang gaya nina Ramon Tulfo at Boy Tejada. Pangalan pa lamang ng mga mamamahayag na ito ang banggitin mo sa pulis at militar na kaharap, siguradong nanginginig pa ang mga ito na aalalayan ka sa iyong problema.
Hindi ako nagkamali sa aking sapantaha, dahil ilang araw lamang ay sumabog na sa himpapawid sa buong mundo ang mainit na balita, na pinagkakaguluhan ng mga correspondent ng mga foreign wire service na agad nagdatingan sa Maynila.
Idineklarang Special Holiday o Ninoy Aquino Day ang August 21 taun-taon simula noong Pebrero 25, 2004, halos 21 taonmatapos mapatay si Ninoy at 18 taon matapos ang 1986 EDSA People Power Revolution.
Naaalala ko lang na holiday sa araw na ganito, ito tuwing mangangalabit ang aking mga apo para sabihin na wala silang pasok sa school dahil Ninoy Aquino Day.
Ang pagbabalik-tanaw ko kasi ay ‘di nakasentro sa pagkakapatay kay “Ninoy”, bagkus sa grupong August Twenty One Movement (ATOM) na itinatag ni Agapito “Butz” Aquino kasama ang mga kaibigan niya, na karamihan ay mga abugado, gaya nina Jojo Binay, Koko Pimentel, Rene Saguisag, Jose W. Diokno, Lorenzo M. Tañada, Salvador “Doy” Laurel, na pawang mga naging senador din na tulad niya.
Naging bukambibig ng mga police reporter noon ang ATOM dahil naging pasimuno ito ng malalaking rally sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, lalo na sa financial district ng Makati, kung saan unang naganap ang pag-ulan ng “yellow confetti” na naging simbolo nang paglaban ng oposisyon sa diktaturyang pamamahala ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Mahirap maiwaksi sa isipan ang coverage noon sa mga rally na ang naghahari sa buong kapaligiran ay ang pagiging makabayan ng lahat ng tao na kabungguan mo ng siko.
Ang pinakamatinding pagpapakita ng simpatiya sa pagkamatay ni “Ninoy” na pinangunahan din ng grupong ATOM ay ang “funeral march” na sinamahan ng milyun-milyong kababayan natin na sumisigaw ng hustisya at pagbabago sa diktaduryang pamamahala.
At ito ‘yung katunayan ng sinasabi kong mas malaki ang treatment ng mga pahayagan noon sa balitang pang krimen, disaster at mga aksidente, kumpara sa balitang pampulitika:
Ang naging banner story o pangunahing ibinalita noon ay hindi ang milyones na dumalo sa “funeral march” ni “Ninoy” kundi ang pangyayari na may tatlong tao na “TINAMAAN NG KIDLAT” habang pinanonood ang nagdaraang “funeral march” sa itaas ng isang puno sa may Rizal Park o Luneta.
May isang editor ng tabloid na nagpasiyang gumamit ng larawan sa banner story nito na kitang-kita ang kapal at haba ng mga tao sa martsa, at ganito pa ang headline: “Millions attend Ninoy’s funeral”.
Resulta – e ‘di sibak yung editor na agad namang nag-resign at bumuo ng grupo na ang-revive sa pahayagang “The Manila Times” na matagal ding nakasara, simula nang ideklara ni Marcos ang Martial Law sa buong bansa.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.